Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong SalitaHalimbawa

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

ARAW 2 NG 7

Ikalawang Araw: Karatula

Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” (Juan 19:19)

Basahin: Juan 19:17-22

Hinatulan ng gobernador na si Pilato ang Panginoong Jesus ng kamatayan sa krus. Ang Kanya raw na nagawang krimen ay ang pagiging “Hari ng mga Judio.” Ipinasulat ito ni Pilato sa isang karatula upang ipaalam sa marami ang hatol kay Jesus. Gayon din naman, isa itong paalala na walang ibang hari maliban kay Caesar na Emperador noon. Babala rin ito na malagim ang sasapitin ng taong hindi susunod sa awtoridad ng Emperyo ng Roma. Ginawa rin ang karatulang iyon para hiyain ang mga relihiyosong lider ng mga Israelita na parang sinasabi, “Hoy, mga relihiyosong Israelita, ito ang inyong hari.” Kaya naman, nagalit ang pinunong pari ng mga Israelita at umapela kay Pilato. Ito raw dapat ang inilagay, “Sinasabi ng taong ito na Siya raw ang hari ng mga Israelita.”

Madalas pinagbibigyan ni Pilato ang mga hiling ng kanyang nasasakupan para mapasaya sila. Ginagawa niya iyon para mapanatili ang kanyang posisyon. Kaya naman, nakakapagtaka ang ginawang pagtanggi ni Pilato sa hiling ng pinunong pari. Sinabi ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na” (Juan 19:22).

Nakasulat sa tatlong wika ang ginawang hatol ni Pilato kay Jesus (Juan 19:20). Nang sa gayon, malalaman ito ng lahat. Nakasulat ito sa wikang Hebreo na siyang wikang ginagamit ng mga Israelita at sa wikang Latin na siyang wikang ginagamit ng mga Romano. Nakasulat din ito sa wikang Griyego na siyang pangunahing wika na ginagamit sa buong emperyo ng Roma noon. Isa sa nakamamanghang pangyayari ang ginawang ito ni Pilato. Ilang oras lamang kasi ang lumipas ng panahong iyon nang tanungin niya si Jesus, “Ano ba ang katotohanan? Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”. Hindi nalalaman ni Pilato na sa ipinasulat niya ay naipahayag ang dakilang katotohanan na ang binugbog na halos hindi na makikila, duguan ang buong katawan, dinuraan, at ipinako sa krus ang siyang tunay na Hari ng mga Judio. Siya si Jesus na Hari mo, Hari ko at Hari ng lahat.

Ang binugbog na halos hindi na makikila, duguan ang buongkatawan, dinuraan, at ipinako sa krus ang siyang tunay na Hari ng mga Judio. Siya si Jesus na Hari mo, Hari ko at Hari ng lahat.

Totoo ba ang hatol na nakasulat sa KARATULA? Hindi mo makikita na nakaupo sa trono si Jesus kundi nakapako Siya sa krus. Hindi isang koronasyon bilang Hari ang iginawad sa Kanya kundi isang prusisyon patungo sa Kalbaryo para ipako. Hindi rin gintong korona na nababalutan ng mamahaling bato ang inilagay sa Kanyang ulo kundi koronang tinik na nababalutan ng Kanyang mismong dugo. At sa halip na napapaligiran ng mga taong Kanyang pinaghaharian, mga taong makasalanan na kumukutya sa Kanya ang naroroon at pinagitnaan pa ng dalawang kriminal.

Inalarawan sa ebanghelyo na isinulat ng mga lingkod ni Jesus ang tagpo na hindi nararapat sa isang tunay na Hari. Gayon pa man, muli mong basahin at tingnan ang KARATULA. Pagbulayan ang katotohanan na bumabalot sa mga salitang inihatol sa ating Panginoon.

Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong Salita

Hango ito sa librong isinulat ni Len Woods na 101 Important Words about Jesus and the Remarkable Difference They Make. Pagbubulayan natin ang mga salitang ito: IPINAKO, KARATULA, DAMIT, KURTINA, HALAMANAN, NABUHAY AT PAGBABALIK. Maipaalala nawa sa atin ng mga salitang ito na binanggit sa Biblia kung ano ang nangyari sa panahon ng Mahal na Araw at higit sa lahat kung ano ang kaugnayan nito sa ating buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/