Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong SalitaHalimbawa
Ikalimang Araw: Halamanan
Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. (Juan 19:41)
Basahin: Juan 19:38-42
Ayon sa Biblia, nagsimula ang buhay ng tao sa isang nakapagandang halamanan na kung saan ang Dios mismo ang nagtanim ng mga halaman na makikita roon (Genesis 2:8-16). Kung ating babasahin ang Biblia mula sa simula hanggang sa huling aklat nito, malalaman mong may inihandang napakagandang halamanan ang Dios para sa lahat ng magtitiwala kay Jesus.
Sa huling kabanata naman ng huling aklat ng Biblia, binanggit ni Apostol Juan na nakita niya ang isang ilog na kung saan dumadaloy ang “tubig ng buhay” (Pahayag 22:1-2). Naipaalala rin nito ang unang ilog na dumadaloy noon sa Halaman ng Eden (Genesis 2:10). At sa pampang naman ng ilog na ito ay nakita ni Juan ang “Punongkahoy ng Buhay”. Ito rin ang punongkahoy na ipinagbawal na lapitan noon nang sumuway ang unang tao sa Dios (Genesis 3:22-24).
At sa pagitan ng sinaunang halamanan at panghinaharap na halamanan, atin ding mababasa na si Jesus ay makikita rin natin na nasa halamanan.
Ang halamanan na binabanggit sa Biblia at ang halamanan na makikita natin ngayon sa kasalukuyang panahon ay parehas lang ang tinutukoy. Parehas may makikita na luntiang lupain at napapalibutan ng iba’t ibang uri ng halaman (1 Hari 21:2; Ester 1:5; Jeremias 29:5). Minsan naman, ginagamit ang halamanan bilang libingan (2 Hari 21:18).
Ang Getsemane ang isa sa sikat noon na halamanan na makikita sa bundok ng mga Olibo. Sa halamanang iyon nanalangin si Jesus bago Niya ialay ang Kanyang buhay sa krus. Sa lugar naman kung saan ipinako si Jesus, mayroon ding malapit na halamanan at may isang libingan na hindi pa nagagamit. Pag-aari ito ni Jose na taga Arimatea na isang mayamang lalaki. Dahil malapit lang ito, doon inilibing ang Panginoong Jesus (Juan 19:41-42).
Hindi naman nagkataon lang na inilaan ni Jesus ang Kanyang huling araw para manalangin sa halamanan ng Getsemane. Kung ang unang tao ay sumuway sa Dakilang Manlilikha sa halamanan ng Eden, lubos namang sumunod at nagpasakop ang nagkatawang-tao na si Jesus sa kalooban ng Dios. At kung sa halamanan din unang pumasok ang kamatayan dahil sa kasalanan nina Adan at Eba, sa halamanan din naman nagsimulang talunin ni Jesus ang kamandag ng kamatayan.
May nakakatuwa namang pangyayari noong muling nabuhay si Jesus. Dumalaw kasi noon si Maria na taga Magdala sa halamanan kung saan inilibing ang Panginoong Jesus. Kaya lang, nang makita ni Maria na nawawala ang katawan ni Jesus, inisip agad ni Maria na ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Kaya naman, nang makita ni Maria ang muling nabuhay na si Jesus, hindi niya ito nakilala. Tinanong pa ng Panginoong Jesus si Maria pero hindi pa rin siya nakilala nito. Inakala ni Maria na hardinero sa halamanan ang kanyang kausap (Juan 20:15).
Maaaring napangiti tayo sa nangyaring kalituhan ni Maria. Pero, mahirap iyon para kay Maria dahil nangibabaw ang kanyang emosyon sa pagkawala ng katawan ni Jesus.
Si Jesus ang Dakilang Hardinero. Siya ang tanging may kakayahan na baguhin ang matitigas nating mga puso at ayusin ang ating buhay nang ayon sa nais ng Dios. Sino ba ang may kakayahan na linisin tayo sa makasalanang mundong ito? Sino ba ang may kakayahan na muling baguhin ang lahat ng bagay at maibalik ito sa dati niyang ganda tulad ng halamanan ng Eden?
Ang Panginoong Jesus lamang na siyang ating Dakilang Manlilikha at Dakilang Hardinero ang makakagawa ng mga bagay na iyon.
Si Jesus ang Dakilang Hardinero. Siya ang tanging may kakayahan na baguhin ang matitigas nating mga puso at ayusin ang ating buhay nang ayon sa nais ng Dios.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hango ito sa librong isinulat ni Len Woods na 101 Important Words about Jesus and the Remarkable Difference They Make. Pagbubulayan natin ang mga salitang ito: IPINAKO, KARATULA, DAMIT, KURTINA, HALAMANAN, NABUHAY AT PAGBABALIK. Maipaalala nawa sa atin ng mga salitang ito na binanggit sa Biblia kung ano ang nangyari sa panahon ng Mahal na Araw at higit sa lahat kung ano ang kaugnayan nito sa ating buhay.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/