Ang Buod Ng Mahal Na Araw Sa Pitong SalitaHalimbawa
Ikatlong Araw: Damit
Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit Niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. (Marcos 15:24)
Basahin: Marcos 15:22-24
Minsan, naglalakad ka sa isang mataong lugar tapos bigla mong naalala na wala ka pa lang suot na damit. Minsan naman, nakatayo ka sa likod ng isang teatro at biglang may tumulak sa iyo para mapunta ka sa entablado. Kaya naman, biglang napunta sa iyo ang buong atensyon ng mga nanonood. Kaya lang, napagtanto mo na wala ka pa lang damit! Pero relaks ka lang! Panaginip lang iyon. Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa, pangkaraniwan lamang daw ang ganitong mga panaginip. Halos lahat daw kasi ng tao ay takot na makita ng iba na hubad sila o malaman ang mga bagay na ikinahihiya nila. Ayaw ng tao na kutyain at mapahiya sila. Kung may isang taong malakas ang loob na tumakbo nang nakahubad, may isang libong tao naman na mahihiyang gawin iyon. Para sa mga taong iyon, ang damit ay magtatakip sa maraming kasalanan o kahihiyan.
Kung ganoon na lamang ang bigat ng kahihiyan kung wala kang damit, bakit kaya hubad si Jesus na ipinako sa krus?
Mababasa natin sa Biblia na may ilang sundalong Romano na ginamit sa kanilang pagsusugal ang damit ni Jesus habang ipinapako Siya sa krus. Sa mga nagdaang taon at hanggang ngayon, makikita naman sa mga ipinintang larawan ng mga pintor ang kapirasong damit na nakatakip sa maselang bahagi ng katawan ni Jesus. Gayon pa man, kumbinsido ang mga dalubhasa sa kasaysayan na hinuhubaran noon ng mga Romano ang mga taong ipinapako sa krus. Ginagawa nila ito upang lalo pang maghirap mula sa kahihiyan ang taong nakapako. Nang sa gayon, hindi lang pisikal na paghihirap ang kanilang mararanasan kundi pati ang pagwasak sa kanilang kalooban dahil sa labis na kahihiyan.
Pagbulayan natin sa mga sandaling ito ang Panginoong Jesus na hubad sa harap ng mga taong nangungutya. Hindi magawang takpan ni Jesus ang Kanyang sarili dahil parehas nakapako ang Kanyang mga kamay. Lagi rin nating alalahanin na nalalaman ni Jesus ang mangyayari sa Kanya at kusang-loob Niyang inialay sa krus ang Kanyang buhay. Bakit kaya?
Tanging sa Genesis 2 sa Biblia mababasa ang tungkol sa pagiging hubad na walang anumang kaugnayan sa hiya at takot. Nangyari ito bago magkasala ang tao. Sa hardin ng Eden, hindi kailangan ng damit nila Adan at Eva. Hubo’t hubad sila pero wala silang anumang nararamdamang pagkahiya o pagkatakot. Hayag ang lahat at wala silang dapat itago. Sa panahong iyon, wala pang konsepto ng pagtanggi o hindi katanggap-tanggap na mga bagay. Pero noong sumuway sila sa Dios, nagbago ang lahat. Nalaman nilang hubad sila at nakaramdam sila ng kahihiyan, pagkatakot at pagsisisi. Tinakpan nila ng dahon ang hubad nilang katawan at nagtago. Mula noon, lagi nang may takip sa katawan ang tao. Sinisikap ng tao na itago ang lahat ng kanilang ikinahihiya, ikinakatakot at mga kabiguan para hindi makita ng iba. Hindi ba’t napakaganda kung wala tayong ikinatatakot kahit malaman man o hayag sa lahat ang bawat aspeto sa ating buhay?
Sinabi ng Salita ng Dios na maaari tayong lumaya sa ganitong pagkatakot. Tingnan mo ang krus ni Jesus at magtiwala ka sa Kanya.
Nakikita mo ba si Jesus na ating Tagapagligtas na walang damit? Tiniis ng mahabaging Dios ang tagpong iyan para maipakita ang Kanyang pagmamahal. Kung mayroong dapat na dumanas ng ganoong kahihiyan, tayo iyon. Kung mayroong dapat purihin at bigyan ng parangal, si Jesus iyon.
Pero kusang-loob na tinanggap ni Jesus ang lahat ng kahihiyan para sa atin. Inako Niya ang kasalanan at kaparusahan na nararapat para sa atin. Siya ang dumanas ng labis na paghihirap. Bakit kaya iyon ginawa ng Panginoong Jesus? Nang sa gayon, maligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan at mabihisan tayo ng Kanyang katuwiran. Tunay na nakamamangha at di-mailarawan ang kagandahang-loob ng Dios.
Kusang-loob na tiniis ni Jesus ang paghihirap at kahihiyan, nang sa gayon, mabihisan Niya tayo ng Kanyang kahabagan at pagmamahal.
Ang kusang-loob na tiisin ang anumang kahihiyan at paghihirap ay isa sa magandang katangian na nais ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya. Magawa rin nawa nating maisabuhay na laging naaalala ang kahalagahan ng krus at ang kahihiyan na tiniis ni Jesus. Kung gagawin natin iyon, mawawala ang kapangyarihan ng kahihiyan. Mapapalitan ito ng kapayapaan dahil wala tayong kailangang itago pa. Mas magiging totoo rin tayo na walang halong pagpapanggap sa harap ng mga tao. Hindi na natin kailangan pang laging ikubli ang ating sarili sa mga mata ng taong nais natin pahangain. Hindi mo na rin kailangang tiisin ang bigat ng kalooban na dapat laging magpanggap para matanggap ka ng iba. Ating tandaan na pinatawad na tayo ng Dios noong sandaling nagtiwala tayo sa Kanyang Anak na si Jesus. Kaya naman, pasalamatan natin ang Dios sa Kanyang kagandahang-loob at nagbihis sa atin ng Kanyang katuwiran.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hango ito sa librong isinulat ni Len Woods na 101 Important Words about Jesus and the Remarkable Difference They Make. Pagbubulayan natin ang mga salitang ito: IPINAKO, KARATULA, DAMIT, KURTINA, HALAMANAN, NABUHAY AT PAGBABALIK. Maipaalala nawa sa atin ng mga salitang ito na binanggit sa Biblia kung ano ang nangyari sa panahon ng Mahal na Araw at higit sa lahat kung ano ang kaugnayan nito sa ating buhay.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/