Puro Pera Pero...Halimbawa
Ang Pera ay Maaari Maging Pagsubok
Lahat ng maganda at mabuting bagay ay madalas nag-uumpisa sa maliit. Hindi agad ito nag-uumpisa sa malaki. Maging negosyo man o relasyon, madalas ang umpisa nito ay maliit lamang. Sa aspekto naman ng pera, tayo ay madalas sinusubukan ng Diyos kung tayo ba ay mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay. Kung tayo ay magiging tapat, maaaring pagkatiwalaan pa Niya tayo ng mas malaking halaga. Ngunit, kung tayo hindi magiging tapat sa maliit, kung tayo ay mabubulag sa pera, paano Niya tayo mapagkakatiwalaan sa malaki? Baka ito pa ang ikasira natin at sa mga taong malapit sa atin! Madaming tagapaglingkod ng Diyos ang nasira dahil sa pera.
Ang kayamanan ay madalas isang pagsubok lamang sa tunay na laman ng puso natin. Masisilaw ba tayo sa pera o mananatili tayong tapat sa Diyos? Sabi ni Jesus, “Walang aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.” Ito ay isang katotohanan tungkol sa pag-ibig na nagmumula sa ating puso. Isa lang ang maaari nating ibigin! Kung ano o sino ang iniibig natin, duon patutungo ang buhay natin.
Marami sa atin, noong wala pa tayong pera, tapat natin pinaglilingkuran ang Diyos. Ngunit nuong sumagana na tayo, nawala na ang pag-ibig natin sa Panginoon. Hindi dapat mangyari ito. Ang mga pagpapala ng Diyos sa buhay natin ay hindi dapat maging dahilan para tayo ay maligaw. Manatili tayong tapat bilang mga alagad ni Cristo, mahirap man o mayaman tayo. Mahalin natin ang Panginoon Jesus higit sa lahat. Ang isang magandang disiplina tungkol dito ay yung tithing o ang pagbibigay ng ikapu. Mag-umpisa tayo sa maliit. Kapag tayo ay sumagana sa buhay, maaari ito maging paraan para mabantayan natin ang ating puso. Ngunit, kung tayo man ay mabigo dito, maaari nating makamtan ang kapatawaran at kalayaan sa pamamagitan ni Kristo!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
“Puro pera na lang ang pinag-uusapan sa church namin!” Nasabi mo na ba ito? Narinig mo na ba ito? Ikaw ba yung pastor o preacher na guilty sa ganitong bagay? Pero, teka muna. Saan ba dapat pag-usapan ang tungkol sa pera? Mahigit 2,300 beses binabanggit ang pera sa Bible. Mukhang maraming nais sabihin ang Panginoon tungkol dito. Hindi ba dapat pag-usapan natin ito? Sa devotional na ito, alamin natin kung bakit mahalagang maunawaan ang tungkol sa pera ayon sa salita ng Diyos upang tayo ay maging tapat na alagad ni Kristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Real Life Christian Communities Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://rlcc.ph