Puro Pera Pero...Halimbawa
Ang Pera ay Maaari Maging Patibong
Ang pera ay maaari maging patibong ng kaaway sa atin para tayo ay maligaw ng landas papalayo sa Diyos. Bagamat ito ay gamit lamang, maaari rin na maging patibong ito ng kaaway para tayo ay matukso. May mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian dahil sa paghahangad nila na yumaman. Naghahanap palagi ang kaaway ng ating kaluluwa, walang iba kundi si Satanas, ng mga taong masisilo niya upang dalhin sila sa masamang direksyon sa buhay. Nais niyang wasakin ang buhay natin, upang hindi matupad ang layunin ng Diyos para sa atin.
Ang patibong ay hindi lantad. Ito ay nakatago at maaari na mukhang maganda sa umpisa. Kailangan ng matalas na paningin at pang-amoy para maiwasan ng isang hayop ang isang patibong. Sa ganoong paraan din, kailangan maging matalas ang ating mga mata at maging handa tayo sa anumang patibong ng kaaway, lalo na sa aspekto ng pera. Kailangan maging totoo tayo sa ating mga layunin at hangarin. Magandang mapabilang tayo sa isang komunidad ng mga mananampalataya kung saan maaari nating sabihin ang mga ipinaplano natin, upang mabigyan din tayo ng payo kung kinakailangan. Ang puso natin ay minsan magaling mag dahilan bagamat ang totoo ay meron tayong mga balak na saliwa sa kalooban ng Diyos.
Huwag tayo maging pabaya sa ating espirituwal na buhay. Manatili tayo sa panalangin at paghingi sa Diyos ng karunungan. Si Kristo Jesus ang karunungan ng Diyos. Kung mananatili tayo sa Kanya, at magtitiwala sa Kanyang salita, maaari natin maiwasan ang mga patibong ng kaaway. Ngunit, kung sakali man na magkamali tayo, malapit lang ang Panginoon sa atin, hindi Siya lumalayo, at handa Siyang magpatawad sa atin. Lumapit tayo sa Kanya ng taus-puso at humingi ng tawad. Patatawarin Niya tayo at bibigyan ng kakayahan upang bumangon at sumunod muli sa Kanya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
“Puro pera na lang ang pinag-uusapan sa church namin!” Nasabi mo na ba ito? Narinig mo na ba ito? Ikaw ba yung pastor o preacher na guilty sa ganitong bagay? Pero, teka muna. Saan ba dapat pag-usapan ang tungkol sa pera? Mahigit 2,300 beses binabanggit ang pera sa Bible. Mukhang maraming nais sabihin ang Panginoon tungkol dito. Hindi ba dapat pag-usapan natin ito? Sa devotional na ito, alamin natin kung bakit mahalagang maunawaan ang tungkol sa pera ayon sa salita ng Diyos upang tayo ay maging tapat na alagad ni Kristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Real Life Christian Communities Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://rlcc.ph