The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa
Ang Kaibigan at Traydor
BASAHIN
Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.
Mateo 26:14–16
Karagdagag Babasahin:
Juan 13:1–30; Mateo 26:20–25, 47–50; Mateo 27:1–10; Juan 18:1–9
PAG-ISIPAN
Mayroon ba tayong matututuhan mula sa buhay ng traydor na si Judas? Sadyang nag-alok si Judas na traydurin si Cristo, tumanggap ng tatlumpung pirasong pilak, at humanap ng pagkakataon para ipadakip Siya. Sinabi ng Kasulatan at ni Jesus na mangyayari ito, at naitala ang pagtatraydor na ito sa lahat ng apat na Ebanghelyo. At kahit pa sinabi na ni Jesus na mangyayari ang pagtatraydor na ito at hinugasan Niya ang mga paa ni Judas, hindi nag-alinlangan si Judas sa kanyang desisyon (Mateo 26:20–25; Juan 13:2–5).
Sa kabilang banda, si Jesus—kahit pa nababagabag ang Kanyang kalooban—ay tinutukan ang paglilingkod sa Kanyang mga disipulo, nagsilbing halimbawa ng pagmamahal, at ipinakita sa kanila ang kabuuan nito (Juan 13:12–15). Nang ipinadakip ni Judas si Jesus sa mga punong pari, pinuno, at mga tao, tinawag ni Jesus si Judas na “kaibigan,” hindi “traydor,” na gaya ng ginawa ni Mateo (Mateo 26:48–50). Sa kabila ng desisyon ni Judas na traydurin si Jesus, nagpakita si Jesus ng kabaitan at pagmamahal, kahit pa noong hinalikan Siya ni Judas para ipadakip.
Madali ba para kay Judas na traydurin si Cristo? Ano kaya ang nag-udyok kay Judas na naging dahilan para gawin niya ito? Bakit kaya binigyan ni Judas ng puwang ang diyablo sa kanyang buhay? Napakatigas na ba ng kanyang puso na kahit ang paghugas ni Jesus ng mga paa niya at pagsabi sa kanila ng mga susunod na mangyayari ay hindi nagawang baguhin ang isip at puso niya?
Ang katotohanan ay, kung sa sarili lang natin, lahat tayo ay maaaring magtaksil kay Jesus. Lahat tayo ay maaaring gumawa ng mga desisyon nang mag-isa, lumayo kay Jesus, at pagtaksilan Siya. At kahit pa hindi natin Siya pagtaksilan, maaari tayong mamuhay nang hindi kinikilala na Siya lamang ang dapat mangibabaw sa lahat. Ilang beses na ba nating pinatigas ang ating mga puso at hindi tinanggap ang Kanyang biyaya, at lumayo sa mga taong makakatulong sa ating lumapit sa Kanya? Lahat tayo ay nakaranas ng pagkabigo at mas makasalanan pa sa nais nating aminin, ngunit maaari tayong magsisi at magtiwala sa biyaya ng Diyos at sa Espiritu para tulungan tayo sa ating pangakong sumunod sa Kanya. Ang pagpapakumbaba ay ang pag-amin na maaari din nating gawin ang ginawa ni Judas, kailangan nating lahat ng Tagapagligtas, maaari tayong makabalik sa Kanya, at magagawa nating mahalin ang iba gaya ng pagmamahal Niya sa kanila.
TUMUGON
- Pinagtaksilan ni Judas si Jesus para sa tatlumpung pirasong pilak. Ano ang naging kapalit, kung mayroon man, at nagawa mong isantabi si Cristo sa buhay mo, bitawan ang iyong pananampalataya, o pagtaksilan Siya? Ano sa tingin mo ang makakapigil sa iyo na maging katulad ni Judas?
- Sino ang makakatulong sa iyo para lumago ka sa pananampalataya at pagmamahal mo kay Cristo? Paano mo lalong mamahalin si Cristo sa bawat araw na daraan?
- Nakaranas ka na ba ng pagtataksil, ginawa man ito sa iyo o sa isang taong minamahal mo? Paano ka tumutugon kapag ikaw ang nagkasala? Sa panahon kung saan may labis na pagpapahalaga sa sarili, paano ka natutuksong magkasala, manakit, o magtaksil? Ayon sa Kasulatan, paano ka dapat tumugon sa mga ito?
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/