Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

ARAW 6 NG 8

Ang Nagdududang Disipulo

BASAHIN

Si Tomas na tinatawag na Kambal, na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus. Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.” Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.” Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!” Juan 20:24–28

Karagdagang babasahin:

Juan 11:11–16

PAG-ISIPAN

Ang salaysay sa Juan 20 ang nagbigay kay Tomas ng palayaw na “Nagdududang Tomas.” Sa mga susunod na henerasyon, kikilalanin siyang halimbawa kung ano ang dapat iwasan sa pagiging isang disipulo.

Ngunit ibang Tomas ang ipinakita sa Juan 11. Gustong pumunta ni Jesus sa Judea kung saan namatay si Lazarus. Dahil sa takot nila para sa mga buhay nila at sa buhay ni Jesus, sinubukan nilang kumbinsihin Siya na huwag pumunta doon, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa kayo babalik doon?” (Juan 11:8). Si Tomas—at si Tomas lamang—ang nagsabing, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya . . .” (Juan 11:16).

Bago siya binansagang Nagdududang Tomas, maraming mga iskolar ang nagsabing siya ang “handang-mamatay-para-kay-Jesus na Tomas.” Nakaramdam siya ng pagkabigo dahil sa mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Jesus. Napuno siya ng pagdududa at takot. Nabagabag siya nang malaman niya ang kalupitang pinagdaanan ni Jesus na sumira sa pisikal Niyang katawan. Ang pagkamatay ni Jesus ay malaking dagok sa pananampalataya niya. Ang sugat na idinulot nito sa kanyang puso ang nag-udyok sa kanya na sabihing, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.” Gaya ni Tomas, nakakaranas tayo ng mga bagay na nagiging sanhi ng pagkawala ng pananampalataya natin. Sa halip na kumapit tayo sa Diyos at sa Kanyang mga salita—angkinin ang mga pangako Niya sa kabila ng mga pagsubok, nagdududa tayo, nagiging matatakutin, at nawawalan ng pag-asa.

Nang makasama muli ni Jesus ang Kanyang mga disipulo, sinagot Niya ang pagdududa ni Tomas sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga butas sa kanyang kamay. Hindi siya hinatulan ni Jesus dahil sa Kanyang pagdududa. Tulad nito, mayroon tayong katiyakan na tutulungan din tayo ni Jesus tuwing tayo ay nasa hangganan na natin. Sa kabila ng ating mga pagdududa at takot, patuloy pa rin tayong tinutulungan ng Diyos, at nawa’y hindi natin Siya itulak palayo. Alam ni Jesus kung paano ipakita ang sarili Niya kay Tomas. Sa huli, sinabi ni Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sa katunayan, mababasa sa kasaysayan na si Tomas ay naging tapat kay Cristo at namatay dahil sa mga saksak ng mga sibat. Ibinigay niya ang kanyang buhay kay Cristo.

Ipinakita ni Jesus kung sino Siya hindi lamang kay Tomas, kundi pati na rin sa lahat ng Kanyang disipulo. Napuno rin sila ng pagdududa at takot. Nang dumating ang mga kababaihan at sinabi ang nakakagulat na balita na si Jesus ay muling nabuhay mula sa kamatayan, hindi makapaniwala ang mga disipulo. Nagkulong sila sa isang kwarto, puno ng pangamba para sa mga buhay nila (Juan 20:19). Sa isang iglap lamang, mahimalang nakapasok si Jesus sa mga nakakandadong pinto at tumayo kasama nila at nagsabing, “Sumainyo ang kapayapaan.”

Minsan maaaring pakiramdam natin ay nasa lugar tayo na hindi maaabot ni Jesus. Ngunit hindi tayo dapat matakot, dahil nais ni Jesus na bigyan tayo ng pag-asa at lakas ng loob. Kaya Niyang pasukin ang anumang pader na itinayo natin para pagtaguan. Gaya ng nangyari sa Kanyang mga disipulo, ang ating kalungkutan ay maaaring mapalitan ng kagalakan, ang ating takot at pagdududa ay maaaring mapalitan ng kapayapaan at pananampalataya, dahil sa presensya ni Jesus sa buhay natin. Pinatatahimik niya ang pinakamalalaki nating duda at takot sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin ng mga tanda ng Kanyang tagumpay, upang tayo rin ay maniwala.

Para sa bawat mananampalataya, ang himala ng muling pagkabuhay ni Cristo ay isang panibagong buhay. Sa sarili nating mga buhay, may mga bagay na maaaring yumanig ng ating pananampalataya at naging dahilan para mapuno tayo ng takot at pagdududa. Ngunit gaya ng naranasan ni Tomas at ng ibang mga disipulo, maaari tayong maniwala na si Jesus ay may kapangyarihan na buhaying muli ang mga nasugatan at nabigo nating pananampalataya at tulungan tayong mapanatili ito hanggang sa huling sandali.

TUMUGON

  • Paano mo ilalarawan ang iyong pananampalataya? Nanghina ba ito o nasugatan dahil sa mga nangyari sa buhay mo? Manalangin sa Diyos na palakasin ang pananampalataya mo at ipanumbalik ang pag-asa mo kay Cristo Jesus.
  • Sa anong bahagi ng buhay mo kailangang maranasan ang presensya at kapangyarihan ng Diyos? Hilingin sa Diyos na baguhin Niya ang sitwasyong pinagdaraanan mo at gamitin ito upang makilala Siya ng mga tao sa paligid mo.

Banal na Kasulatan

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/