The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa
Ang Taga-usig na Naging Apostol
BASAHIN
Patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga tagasunod ng Panginoon. Pinuntahan pa niya ang punong pari at humingi ng mga sulat na ipapakita niya sa mga sambahan ng mga Judio sa Damascus bilang katibayan na binibigyan siya ng kapangyarihang hulihin at dalhin sa Jerusalem ang sinumang makikita niya roon na sumusunod sa pamamaraan ni Jesus, lalaki man ito o babae. Nang malapit na si Saulo sa lungsod ng Damascus, bigla siyang napalibutan ng nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya, at may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” Sumagot si Saulo, “Sino po ba kayo?” Sinagot siya ng tinig, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
Mga Gawa 9:1–6
Karagdagang Babasahin:
Mga Gawa 9:7–19
PAG-ISIPAN
Bakit ipinakita ni Jesus ang sarili Niya kay Saulo sa ganitong paraan? Sa halip na papuntahin ang isang apostol kay Saulo upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanya, si Cristo mismo ang nakatagpo ni Saulo sa daan papuntang Damascus at pagkatapos ay ginamit Niya ang isang ordinaryong disipulo na si Ananias. Maaaring dahil ito sa mahalagang layunin ng Diyos sa buhay ni Saulo, ngunit maaari ring dahil dinala ni Jesus si Saulo sa hangganan ng kakayanan nito upang makita niya na kailangan niya si Cristo. Si Saulo, na isang Helenistikong Judio at Pariseo ng mga Pariseo, ay kumbinsidong tama siya, ngunit mali ang pinaniniwalaan niya. Inuusig niya ang iglesya at ginagawa ang lahat ng nasa kanyang kapangyarihan upang pigilan ang paglaganap ng ebanghelyo—hanggang sa punto na ipinapapatay niya ang mga mananampalataya.
Maraming himala sa kwentong ito na nangyari matapos ang pagkabuhay muli ni Cristo at pag-akyat Niya sa langit: ang pagpapahayag kung sino si Cristo, ang pagkabulag, ang pagkaligtas, at paggaling. Itinuring ni Jesus ang mga kilos ni Saulo bilang pag-uusig sa Kanya. At kinailangan Niyang ipaalam kay Saulo kung sino ang kinakalaban niya. Kailangang mabulag at mabigo ni Saulo. Nabulag siya dahil sa isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, kaya kahit buksan niya ang kanyang mga mata, wala pa rin siyang makita. Nang hindi na niya maunawaan ang mga nangyayari, natagpuan niya ang sagot sa lahat: si Jesus. Binulag muna ni Jesus si Saulo bago niya ipinadala si Ananias upang ibalik ang kanyang paningin. Sa pamamagitan ng mga himalang ito, sa wakas ay nakita ni Saulo kung sino talaga si Jesus.
Ipinapakita ng mga tagpo sa kabanatang ito ang puso at hangarin ng Diyos na makilala Siya ng mga tao: si Jesus kasama si Saulo, si Jesus kasama si Ananias, si Ananias kasama si Saulo. Kahit hindi naranasan ni Saulo ang ministeryo ni Jesus sa lupa at hindi siya kabilang sa Labindalawa, nakatagpo niya ang Buhay na Cristo. Ito ang sandaling naunawaan ni Saulo na ang paningin, buhay, at layunin niya ay matatagpuan lamang kay Cristo. At mula sa pagiging taga-usig tungo sa pagiging apostol sa mga bansa, ganap na nagbago ang buhay niya.
TUMUGON
- Paano ipinakita ng Diyos ang sarili Niya sa iyo? Sa ibaba o sa iba pang sulatan, isulat ang kwento ng pagkaligtas mo at ilagay ang mga detalye tungkol sa mga tao, lugar, at pangyayaring ginamit ng Diyos. Pasalamatan ang Diyos sa paraang ginamit Niya para iligtas ka at isipin kung kanino mo maibabahagi ang kwento mong ito.
- Kung kakausapin ka ng Diyos tulad ng ginawa Niya kay Saulo, sa tingin mo, paano ka tutugon? Sino sa palagay mo ang gusto ng Diyos na tulungan at hikayatin mong sumunod sa Kanya? Ano ang magagawa mo ngayong linggo para paglingkuran ang taong ito?
- Pag-isipan kung sinu-sino ang mga taong kilala mo na tulad ni Saulo—malakas ang impluwensya at gustong makapagbigay ng kasiyahan sa Diyos, ngunit hindi pa nakakakilala sa Kanya. Ilista ang mga taong maipapanalangin mo na maaaring maging mga apostol Pablo sa hinaharap.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/