Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

ARAW 2 NG 8

Ang Nagsising Magnanakaw

BASAHIN

Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”
Lucas 23:39–43

Karagdagang Babasahin:

Lucas 23:32–33; Mateo 27:38–43; Marcos 15:27–32

PAG-ISIPAN

Ngayon, pag-aaralan natin ang kwento ng dalawang hindi pinangalanang tauhan na nasa tabi ni Jesus nang Siya’y nakapako at binawian ng buhay. Nakatagpo ni Jesus ang dalawang taong kasabay Niyang ipinapako sa krus—ang dalawang magnanakaw. Tinawag sila ni Lucas na “mga kriminal,” habang “magnanakaw” naman ang ginamit na salita nina Mateo at Marcos. Sinulat din nina Mateo at Marcos na minura at ininsulto ng dalawang ito si Jesus kasama ng maraming tao (Mateo 27:44, Marcos 15:32). Sa kanilang pagtatagpo, nagbago ang pananaw ng isa sa mga magnanakaw.

Mapagmataas ang isa sa mga magnanakaw at hinamon niya si Jesus. Sinabi niya na kung si Jesus nga ang Mesias, madali Niyang maililigtas sila at ang sarili Niya. Ang isa namang magnanakaw ay nagsisi. Sinaway niya ang kanyang kasama sa pamamagitan ng pagkilala na sila (na mga magnanakaw) ay nagkasala at karapat-dapat na maparusahan, habang si Jesus ay walang kasalanan (Lucas 23:41). Hindi binanggit ng Kasulatan kung kailan nagbago ang pananaw ng magnanakaw na nagsisi kay Jesus o kung nakarinig ba siya ng tungkol kay Jesus bago siya ipinapako. Ngunit, may nakita siya kay Jesus na nag-udyok sa kanya na buong tapang na hilinging: “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo” (Lucas 23:42). Nakakagulat na iginalang ni Jesus ang hiling niya at sumagot na, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso” (Lucas 23:43). Tinanggap siya ni Jesus sa kaharian ng Diyos.

Ang mga nagkasalang kriminal ay parehong napakalapit lang kay Jesus, ngunit isa lang ang pumiling magtiwala sa Kanya at tumanggap sa kaharian ng Diyos. Wala na siyang iba pang nagawa maliban sa kilalanin si Jesus at hilinging papasukin siya sa Kanyang kaharian. Sa pagsagot ni Jesus sa kanyang pakiusap, makikita natin ang larawan ng biyaya ng Diyos na malayang ibinigay at malayang tinanggap.

Si Jesus at ang nagsising magnanakaw ay parehong tumanggap ng parusang pagkapako sa krus. Ngunit si Jesus ay pinarusahan sa kabila ng kawalan Niya ng kasalanan. Habang ang magnanakaw ay ipinako sa krus dahil sa sarili niyang kasalanan, si Jesu-Cristo ay ipinako dahil sa mga kasalanan sa mundo. Dahil iniibig tayo ng Diyos, nagkaroon ng dakilang palitan. Ang buhay ni Jesus na walang kasalanan ang ibinayad sa ating mga kasalanan, ang pagkamatuwid Niya ang ibinayad sa ating kasamaan, at ang buhay Niya ay ibinigay para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Binayaran ni Jesus ang halaga ng kamatayan sa pamamagitan ng pag-ibig at biyaya na hindi nararapat para sa atin, upang tayo’y magkaroon ng tamang ugnayan sa Diyos. Ibinigay Niya ang buhay Niya upang, gaya ng nagsising magnanakaw, tayo ay matanggap sa kaharian ng Diyos.

TUMUGON

  • Nanalig ka na ba sa ginawa ni Jesus? Ipanalangin ang pasasalamat mo sa katiyakan na ang mga makasalanang gaya mo ay tatanggapin sa Kanyang kaharian.
  • Ano ang mga kaugaliang madalas mong ginagawa tuwing Mahal na Araw? Mayroon ka bang mga kaugalian o kaisipan na nagpapakitang hindi ka pa lubos na nananalig sa ginawa ni Jesu-Cristo? Paano mo lalong maipamumuhay ang pagiging kabilang mo sa kaharian ng Diyos dahil sa sakripisyo ni Jesus?
  • Ang kwento ng nagsising magnanakaw ay isang paalala na hindi kailanman huli ang paglapit kay Cristo. Ipanalangin ang mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya mo na hindi pa nakakakilala kay Cristo.
Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/