Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

ARAW 5 NG 8

Ang Mga Kababaihan sa Libingan

BASAHIN

Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay. Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” Kaya dali-dali silang umalis sa libingan. At kahit natatakot sila, masaya pa rin sila sa ibinalita sa kanila ng anghel. Patakbo nilang pinuntahan ang mga tagasunod ni Jesus upang ibalita ang pangyayari.
Mateo 28:1–8

PAG-ISIPAN

Ang buhay at ministeryo ni Jesus ay nagbigay ng pag-asa at inasahan ng mga tao noong panahon Niya, lalo na ng mga mahihirap at ng mga hindi tinatanggap sa lipunan. Kabilang dito ang mga kababaihan na bahagi ng ministeryo ni Jesus. Ang Kanyang kamatayan at pagkalibing ay isang malaking dagok sa Kanyang mga tagasunod. Nawasak ang kanilang pag-asa, pangarap, at mga hinahangad sa buhay. Isipin na lamang natin ang emosyonal na pagdadalamhati ng mga kababaihan habang nakikita nila ang kalupitan ng pagkapako kay Cristo sa krus, at ang pagkasira ng Kanyang pisikal na katawan. Hindi na Siya halos makilala. Nakita pa nila kung saan Siya inilibing. Malayo sa isipan nila ang isang himala.

Ang paglantad ng mga kababaihan bilang pangunahing saksi sa isa sa mga pinakadakilang himalang naganap sa buong kasaysayan—ang muling pagkabuhay—ay isang patotoo kung paano maaaring gamitin ng Diyos ang mga taong itinuturing na mangmang at mahina, nasira at walang buhay, para sa Kanyang mga layunin. Matapos marinig ang mensahe mula sa anghel, dali-daling tumakbo ang mga kababaihan para ibalita sa mga disipulo na nabuhay muli si Jesus. Sila ang mga unang saksi ng magandang balita tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo.

Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” Mateo 28:5–7

Ang muling pagkabuhay ay isang pagtatama ng mga bagay. Hinayaan ng Diyos na maranasan natin ang Kanyang pagtubos, mula sa pagtubos sa pinakamalalalim nating hinanakit, takot, at nabigong pangarap. Ang mga salita ng anghel na, “Huwag kayong matakot,” ay nagbibigay ng kaginhawaan hindi lamang sa mga nakaranas ng kawalan at pighati, kundi pati na rin sa mga may nawasak na pag-asa at pangarap.

Ang muling pagkabuhay ang nagbibigay sa atin ng dahilan hindi lamang para matuwa tayo kundi para magkaroon din ng panibagong pag-asa at pangarap: “. . . Hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli . . .” Minsan ang pinakadakilang bagay na maaaring mangyari sa atin ay ang hindi makamit ang mga hinahangad natin dahil mali ang ating hinahanap. Araw-araw tayong naghahanap ng mga bagay kung saan natin matatagpuan ang buhay at pag-asa, at humahantong sa kaalaman na walang patutunguhan ang lahat ng iyon. Hinahanap ng mga kababaihan ang patay na Jesus, at sa halip, ang natagpuan nila ay isang libingang walang laman at narinig nila ang pahayag ng anghel na buhay si Jesus. Ang sagot sa mga hinahanap natin ay hindi matatagpuan sa mga makamundong bagay, kundi sa muling nabuhay na Cristo lamang!

“. . . nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo.” Si Jesus ay tumutupad sa mga ipinangako Niya. Ang muling pagkabuhay ay isang patotoo na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Maraming propesiyang natupad sa linggo pa lamang ng pasyon. Kung kaya ni Jesus na tuparin ang Kanyang pangakong mabuhay muli mula sa kamatayan, gaya ng sinabi Niya, maaari tayong magtiwala na totoo at maaasahan ang lahat ng ipinangako Niya sa atin at para sa atin!

Kung pakiramdam mo ay parang nakalibing ka dahil sa mga pinagdaraanan mo ngayon, kung pakiramdam mo ay nawasak na ang mga pangarap mo at wala nang pag-asa, huwag kang matakot; Siya ay nabuhay muli, gaya ng sinabi Niya! Magtiwala kang gagawa ng mga himala ang Diyos sa buhay mo para makilala mo, at ng mga tao sa paligid mo, kung sino Siya.

TUMUGON

  • May mga bahagi ba sa buhay mo na parang inilibing mo na dahil sa ilang mga pangyayari? Ano ang maaari mong gawin para mabigyan ang mga ito ng buhay na nagmumula kay Cristo na muling nabuhay?
  • Ano ang mga pangakong mula sa Diyos na hinihintay mong matupad? Ang Diyos ay gumagawa ng mga himala at tumutupad sa Kanyang mga ipinangako. Paano nito maaapektuhan ang paghihintay mo sa katuparan ng mga ipinangako Niya sa iyo?
  • Ano ang mga pangakong mula sa Diyos ang binitawan mo na? Paano mapapalakas ng katotohanan ng muling pagkabuhay ni Cristo ang pag-asa at pananampalataya mo? Ano sa tingin mo ang mga pag-asa at pangarap na ibinibigay sa iyo ng Diyos ngayon?

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/