Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

ARAW 7 NG 8

Ang Nanumbalik na Disipulo

BASAHIN

Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” . . . Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”
Juan 21:15, 19

Karagdagang Babasahin:

Lucas 5:1–11; Juan 21:1–14, 16–18

PAG-ISIPAN

Pagkatapos niyang ipagkaila si Jesus nang tatlong beses at marinig ang tungkol sa pagkabuhay Niyang muli, nangisda si Pedro kasama ang ilan niyang mga kaibigan at mga disipulo rin ni Jesus. Binalikan niya ang alam niyang gawin—ang pangingisda. Ito rin ang ginawa ni Pedro sa isa sa mga una nilang pagkikita ni Jesus.

Maaaring may mga nag-iisip kung ano ang tumatakbo sa isipan ni Pedro habang namimingwit siya ng isda. Maaari nating maisip na nakaramdam siya ng labis na kahihiyan at pagsisisi dahil sa pagkakaila niya kay Jesus. Tila binitawan na niya ang tawag ng Diyos sa buhay niya matapos ang mga nangyari sa krus. Ngunit hindi pa tapos si Jesus kay Pedro. Sa katunayan, alam Niya ang kailangan Niyang gawin upang maibalik si Pedro sa Kanya.

Nagsimula ang lahat sa paraan kung paano unang nagpakita si Jesus kay Pedro: sa isang bangka matapos ang isang magdamag na walang huli. Kahit hindi nila alam na kinakausap sila ni Jesus mula sa pampang, sinunod nila ang mga gabay Niya at ihinulog ang kanilang lambat. Napakarami ng nahuli nilang isda at hindi na nila ito mahila. Sino pa nga ba ang kausap nila kundi ang kanilang Panginoon? Naging deja vu para kay Pedro ang sandaling ito, at naalala niya ang unang beses na nanalig siya kay Cristo, iniwan ang lahat, at sumunod sa Kanya. Ang himala na unang ginawa ni Jesus noong tinawag Niya si Pedro ay katulad ng himalang Kanyang ginawa nang ibinalik Niya si Pedro sa tawag na ito (Lucas 5:1–11). Sa pagkakataong ito, iniwan ni Pedro ang mga isda, ang bangka, at ang mga kaibigan niya. Tumalon siya sa tubig at lumangoy patungo sa kanyang Panginoon.

Hindi bababa sa apat ang ginawang himala ni Jesus sa kwentong ito: sinabi Niya sa kanila kung saan ihuhulog ang lambat, napakaraming isda na hindi na nila ito mahila pataas, hindi napunit ang lambat, at ang pinakahuli ay nanumbalik ang pananampalataya at ugnayan ni Pedro kay Cristo. Ngunit hindi ginamit ni Jesus ang pagkakaila ni Pedro laban sa kanya. Hindi niya tinanong si Pedro kung alam ba nito ang mali niyang ginawa at kung ano ang plano niyang gawin tungkol dito. Binigyan ni Jesus ng sunod-sunod na mga himala sina Pedro at ang iba pang mga disipulo, isang tagpo kung saan walang duda kung sino ang kasama nila. At sa isang pagsasalo kung saan sama-sama silang kumain, tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro ng isang simpleng tanong: “Mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?”

Sa pagsagot ni Pedro sa Panginoon nang tatlong beses, nakilala niya na naroon pa rin ang pag-anyaya ni Cristo na sumunod sa Kanya. Ipinakita nito ang pagpapanumbalik ng tawag ng Diyos kay Pedro na alagaan ang Kanyang mga tupa (Juan 21:16–17). Ngayon, ang paanyayang ito ay ibinibigay din sa ating lahat. Anuman ang iyong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, inaanyayahan ka ni Jesus na tumingin sa Kanya lamang at sumunod sa Kanya.

TUMUGON

  • Sa tingin mo, bakit mahalaga para kay Jesus na gumawa ng marami pang himala at makisalo sa Kanyang mga disipulo bago ipanumbalik si Pedro? Ano ang ipinapakita nito kay Jesus at kung ano ang mahalaga sa Kanya?
  • Mahal mo ba si Jesus? Mahal mo ba si Jesus nang higit sa lahat? Handa ka bang sumunod sa Kanya o kaya ay sumunod muli sa Kanya, gaya ni Pedro? Paano mo sasagutin si Jesus kung itatanong Niya sa iyo ang itinanong Niya kay Pedro (Juan 21:15–19)?
Araw 6Araw 8

Tungkol sa Gabay na ito

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/