Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa
Ang Katuparan ng Plano ng Diyos
BASAHIN
Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. 1 CORINTO 15:3
KARAGDAGANG BABASAHIN: Isaias 53:1–4; 1 Pedro 3:18; Juan 12:12–13
PAG-ISIPAN
Ang araw na ito, Linggo ng Palaspas, ang unang araw ng taunang paggunita sa Semana Santa o Mahal na Araw. Sa mga Ebanghelyo, makikita natin na ang inaasahan ng mga Judio ay ang makita si Jesus na pumasok sa Jerusalem bilang isang nananakop at namumunong Hari. Ngunit, hindi nila inasahan ang mga nangyari. Ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ay nagpahiwatig ng katuparan ng propesiya ni Isaias: na ang Mesiyas ay magdurusa, Siya ay aapihin, at Siya ay magiging pangunahing handog at mamamatay para sa mga kasalanan ng mundo.
Sa 1 Corinto 15:3, makikita nating ang kamatayan ni Jesus ang kinilalang pinakamahalagang aral. Kapag sinabing pinakamahalaga ang isang aral, ibig sabihin ay isa itong kinakailangang katotohanan o kaya ay wala nang hihigit pa sa katotohanang ito. Kinakailangan nating malaman at maintindihan na namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan, ang dahilan ng pagkawalay natin sa Diyos. Siya ang naging pangunahing tupa na isinakripisyo upang alisin ang ating mga kasalanan, kawalan ng katarungan, at kasamaan.
Hindi tayo matuwid, ngunit Siya, na matuwid, ang pumalit sa ating kinalalagyan upang tayo ay maging matuwid. Ang ating makasalanang pagkatao ay namatay, ngunit tayo ay nabuhay sa Espiritu at nabigyan tayo ng kapangyarihang daigin ang kasalanan. Tayo ngayon ay may buhay na mula sa Espiritu upang mamuhay nang naaayon sa tawag ng Diyos. Sinabi sa 1 Pedro 3:18 na ginawa itong lahat ni Jesus para madala niya tayo sa Diyos.
Mula pa sa simula at sa buong kasaysayan, nais na ng Diyos na makapiling tayo, ang Kanyang mga mamamayan. Para manumbalik ang ugnayan natin sa Diyos, kinailangang masugatan si Cristo para sa ating mga pagsuway, dahil sinuway natin ang Diyos. Inako ni Jesus ang bigat ng ating kasalanan, at gaya ng sinabi ni Isaias sa kanyang propesiya, binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Pinasan Niya ang mga kasalanan natin dahil wala tayong kakayahang iligtas ang ating mga sarili. Siya ang namatay ng kamatayang dapat ay para sa atin upang maibalik tayo sa tamang ugnayan sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang kamatayan ni Jesus ang pinakamahalagang aral. Sa mga susunod na araw, pag-uusapan at pag-iisipan natin ang plano ng Diyos mula pa sa simula ng panahon na akayin ang mga tao pabalik sa Kanya.
Sa pamamagitan ni Cristo, gumawa ng daan ang Diyos upang magkaroon tayo ng ugnayan sa Kanya.
TUMUGON
1. Ano ang pinakamahalaga para sa iyo? Kung tagasunod ka ni Cristo, bakit pinakamahalaga ang Kanyang kamatayan, pagkalibing, at muling pagkabuhay? Paano naaapektuhan ang buhay mo ng katotohanang ang Diyos ang unang gumawa ng hakbang upang magkaroon ka ng ugnayan sa Kanya?
2. May bahagi ba sa buhay mo (kasalanan, pagsuway, o kasamaan) na nagiging hadlang kung kaya’t hindi mo nararanasan ang ganap na ugnayan sa Diyos? Naniniwala ka bang binayaran na ni Jesus ang buong halaga para matubos ka? Angkinin at ipahayag ang tagumpay ni Cristo sa mga bahaging ito ng buhay mo.
3. Ano ang panalangin mo ngayong Mahal na Araw? Paano mo mas higit pang makikilala at mamahalin ang Diyos at paano mo Siya maipakikilala sa iyong pamilya at mga kaibigan?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/