Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa
Ang Tawag na Makilahok sa Misyon ng Diyos
BASAHIN
Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 1 PEDRO 2:9
KARAGDAGANG BABASAHIN: 1 Corinto 15:3–4; Pahayag 22:3
PAG-ISIPAN
Ngayon, ipinagdiriwang natin na buhay si Jesus. Nabuhay Siyang muli! Ang buong mensahe ng ebanghelyo ay nakabatay sa katotohanang si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan at nabuhay Siyang muli. Gaya ng sinulat ni apostol Pablo, ang katotohanang ito ang pinakamahalaga sa atin. Dahil sa muling pagkabuhay ni Cristo, ang kamatayan Niya ay hindi nawalan ng kabuluhan at ang pananampalataya natin ay hindi nawalan ng saysay. Ang muling pagkabuhay ni Cristo ang pangungahing pagpapatunay ng ating pananampalataya bilang Kristiyano. Gaano man kahirap ang sitwasyon natin, dahil sa muling pagkabuhay ni Jesus, makasisiguro tayo na kapag si Jesus ay nasa kwento, anumang sitwasyon ay may pag-asa. Dahil dito, maaari tayong magalak!
Isang linggo nating pinag-isipan ang pagnanais ng Diyos na ibalik ang Kanyang mamamayan sa tamang ugnayan sa Kanya. Sinira ng kasalanan ang dapat sana’y ikinagalak natin sa Hardin ng Eden: ang pananahan ng Diyos kapiling natin nang walang kahihiyan at walang kapintasan. Ang mabuting balita ay may mahusay na plano ang Diyos upang iligtas tayo. Pinadala Niya ang Kanyang Anak upang mamatay sa krus at tubusin tayo, upang maibalik tayo sa Kanya. Dahil dito, muli nating ikakagalak ang ating ugnayan sa Kanya. Ang kwento tungkol sa plano ng Diyos sa Eden ay hindi nagtatapos sa pagkakasala ng tao. Binigyan tayo ng bagong pag-asa na maipanumbalik sa Kanya sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesus. Tiyak na magtatagumpay ang plano ng Diyos na maipanumbalik ang Kanyang nilikha, at ipinapangako Niya na gagawin Niyang bago ang lahat. Ang pangakong ito ay napatunayan at nalagdaan sa Kanyang muling pagkabuhay at tatapusin Niya ito sa Kanyang pagbabalik.
Sa 1 Pedro 2:9, binigyan tayo ng isang misyon—ang misyong ipahayag ang kahanga-hangang gawa ng ating Diyos. Bilang isang indibidwal man o isang iglesya, dapat nating ipahayag ang mabuting plano ng Diyos para sa lahat ng nilikha. Hindi lamang tayo nailigtas mula sa ating mga kasalatan, kundi pinili rin tayo para sa layunin ng Diyos—ito ang kagandahan ng ebanghelyo. Nais ng Diyos na ganap na maipanumbalik ang lahat ng nilikha, at nais Niya na makilahok tayo sa misyong ito.
Ang bawat bahagi ng Kanyang katawan ay may tungkuling dapat gampanan, at ang pangunahing layunin natin ay maipahayag ang Kanyang mabuting plano sa mundo.
Araw-araw, alalahanin natin ang pag-asang dala ng Linggo ng Muling Pagkabuhay. Wala nang laman ang libingan at nagtagumpay na Siya. Bilang isang iglesya, sama-sama nating gawin ang ating misyon. Ipahayag natin ang Kanyang kahanga-hangang gawa, Siya na tumawag sa atin mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan.
TUMUGON
1. Paano inilarawan ang mga mamamayan ng Diyos sa 1 Pedro 2:9? Alin ang pinakakapansin-pansin para sa iyo? Sa palagay mo, paano ito maisasapamuhay ng iglesya?
2. May bahagi ba sa buhay mo na kailangang maipanumbalik sa Diyos? Ano ang panalangin mo para dito?
3. Sa larangan sa lipunan na kinabibilangan mo, paano ka makikilahok sa misyon ng Diyos? Kanino mo maipapahayag ang ebanghelyo ngayong linggo? Isulat ang mga pangalan nila at ipanalangin ang bawat isa.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/