Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

ARAW 5 NG 8

Si Cristo, ang Bagong Toldang Sambahan

BASAHIN

Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya. JUAN 1:14

KARAGDAGANG BABASAHIN: Mga Taga-Colosas 1:19–20; 2:9; Mga Hebreo 4:14–16

PAG-ISIPAN

Kalunos-lunos ang nangyari sa mga Israelita noong taong 586 BC.

Sa panahon ng paghahari ni Haring Zedekia, sinalakay ng buong hukbo ng Babilonia ang Jerusalem at winasak ito. Nakatakas ang mga sundalo ng Juda, nabihag ang hari, at nasakop ang buong kaharian. Ang templo ng Panginoon, na siyang naging simbolo ng kanilang pananampalataya at kultura, ay pinagnakawan at ganap na nawasak.

Sa mga sumunod na dekada, ginawa ng mga Israelita ang lahat nang makakaya nila upang ibalik sa dating kadakilaan ang templo. Bagama’t naitayo nila itong muli, may isang mahalagang bahagi na nawala, at dahil dito, nawalan ng buhay at kabuluhan ang templo: hindi na muling nanahan ang Diyos sa templo gaya ng dati.

Sa katunayan, may iba nang plano ang Diyos upang makapanahan sa piling ng Kanyang mamamayan, at hindi na ito sa pamamagitan ng tolda o templo na hindi perpekto.

Pagkalipas ng maraming taon, ang Diyos na mismo ang nagtalaga ng isang bago at perpektong tahanan. Ang walang-hanggang Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay kasama ang mga tao. Ang ibig sabihin nito ay nagpatayo Siya ng Kanyang tolda sa piling ng mga mortal na tao, gaya ng pananahan Niya sa piling ng mga Israelita sa pamamagitan ng Toldang Sambahan. Pumarito ang Diyos sa mundo at nanahan kay Jesu-Cristo, gaya ng dati Niyang pagpuspos o pananahan sa templo ni Solomon.

Si Jesus ang ginawa ng Diyos na bago at perpektong Toldang Sambahan: ang tahanan Niya kung saan makakatagpo ng makasalanang tao ang buhay na Diyos.

Ang pagdating ni Jesus ay naging pagpapatibay sa mga pangako ng Diyos na magpapadala Siya ng isang Mesias na magliligtas sa Kanyang mamamayan. Nang dumating si Jesus, ipinahayag Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos at pinalapit ang lahat sa Kanya. Ngunit hindi lamang nangaral si Jesus tungkol sa kaharian ng Diyos. Siya ang nagbigay-anyo dito at nagpakita sa kanila kung ano ang pakiramdam ng nasa presensya ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jesus, nakaranas ang mga tao ng mga himala: nakakitang muli ang mga bulag; nakalakad muli ang mga pilay; nabuhay muli ang mga patay; napakain ang ilang libong tao; napaalis ang mga demonyo; at natagpuan ng mga makasalanan ang kapatawaran at biyaya ng Diyos. Nakahanap ang mga inaapi ng Tagapagligtas, nakahanap ang mga itinakwil ng pagtanggap, nakahanap ng mga napapagod ng kanlungan, at nakahanap ang mga ulila ng tahanan.

Ang karanasang ito ay hindi lamang para sa mga nabuhay noong panahon ni Jesus. Siya ang ating Emnanuel, na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos. Lahat ng naniniwala sa Kanya ay inaanyayahan Niyang lumapit upang matagpuan ang habag at biyaya sa panahon ng pangangailangan (Mga Hebreo 4:16). Ang mga napapagod ay inaanyayahang magpahinga sa Kanya (Mateo 11:28). Ang mga nauuhaw ay inaanyayahang uminom sa Kanya (Juan 7:37). Ang mga naligaw ng landas ay makakahanap ng layunin sa Kanya (Mateo 4:19). Dumating si Jesus dahil mula pa sa umpisa ng panahon, nais na ng Diyos na maibalik tayo sa Kanya.

Sa pamamagitan ni Jesus, inaanyayahan tayo ng Ama na lumapit, dala ang ating mga pasanin at mga biyaya, upang maranasan natin ang kapayapaang hindi kayang unawain ng tao at tunay na kasiyahang matatagpuan sa Kanyang presensya.

TUMUGON

1. Ano ang natutunan mo ngayon tungkol sa kagustuhan ng Diyos na makasama tayo at ang ganap na katuparan nito kay Jesu-Cristo? Paano maaapektuhan ng katotohanang ito ang pamumuhay mo at kanino mo ito maibabahagi?

2. Ano ang mga hamong kinakaharap mo ngayon? Naniniwala ka bang si Jesus ang Emmanuel at hindi ka kailanman mag-iisa sa pagharap mo sa mga hamon sa buhay?

3. Ang paanyaya ni Jesus na huwag mag-atubiling lumapit sa Kanyang trono ng biyaya ay nananatili. Paano ka tutugon dito? Sa araw na ito, gusto mo bang magkubli sa Kanyang presensya, sambahin Siya, at ibigay ang lahat ng mga dinadala mong pasanin sa Kanya?

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/

Mga Kaugnay na Gabay