Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

ARAW 4 NG 8

Ang Dakilang Presensya ng Diyos: Ang Templo

BASAHIN

Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy nasedro, pero ang Kahon ng Diyos ay nasa tolda lang.” Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang PANGINOON ay sumasaiyo.” 2 SAMUEL 7:1–3
KARAGDAGANG BABASAHIN: 2 Samuel 7:4–13; 2 Cronica 7:1–3; Ezekiel 10; Mga Gawa 7:44–50

PAG-ISIPAN

Sa loob ng ilang taon, sinamba ng mga Israelita ang Diyos sa Toldang Sambahan. Si Haring David, na nakatira noon sa isang magandang tirahan, ay nagkaroon ng hangaring magtayo ng mas magandang tirahan para sa Diyos. Nais ni David na magtayo ng isang templo para sa Kanya, kahit pa hindi Niya ito hiningi. Nakita niya ang templo bilang permanenteng tahanan ng presensya ng Diyos. Bagama’t naging positibo ang tugon dito ng Diyos at pinahintulutan Niya si David at ang anak nitong si Haring Solomon na ipatayo ang templo, hindi ito ang permanenteng tahanan kung saan mananahan ang Diyos kasama ng Kanyang mamamayan.

Nagbigay ang Diyos ng mga detalyadong tagubilin para sa pagpapagawa ng templo at sa lahat ng ilalagay sa loob nito. Nang matapos ang templo, nasaksihan ng buong bayan ng Israel kung gaano kadakila ang presensya ng Diyos sa templo. Umasa ang lahat na mananahan ang Kanyang presensya sa templong ipinatayo ni Solomon magpakailanman.

Sa kabila ng kagustuhang ito, bumalik sila sa pagiging makasalanan at dinungisan nila ang banal na templo ng Diyos. Ang Kanyang tahanan ay naging lugar ng mga diyos-diyosan. Kahit nagkaroon na sila ng daan patungo sa presensya ng Diyos, tinalikuran pa rin nila ang Diyos at pinili ang mga diyos-diyosan. Dahil sa ginawa nila, binigyan ng Diyos si Ezekiel ng pangitain na nagpapakita ng paglisan ng Kanyang banal na presensya mula sa templo.

Kalaunan, lumisan nga ang presensya ng Diyos mula sa templo, at nawasak ito.

Sa kabila ng mga nangyari, makikita pa rin ang pagmamahal at habag ng Diyos. Nangako Siya sa Kanyang mamamayan na Siya’y babalik at mananahan kapiling nila magpakailanman:

. . . ng sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling lalapastanganin ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan, o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari.” EZEKIEL 43:7

May mas malaking plano ang Diyos para sa kaligtasan at pagtubos ng Kanyang mamamayan—kahit hindi tayo karapat-dapat na tumanggap nito.

Nais ng Diyos na manahan kasama natin magpakailanman, hindi sa Toldang Sambahan o templong gawa ng mga kamay ng tao, kundi sa ating mga puso.

Natupad ang lahat ng ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Dahil sa Kanyang perpektong sakripisyo, maaari na nating piliin na tumugon sa Kanya at maranasan ang banal na presensya ng Diyos araw-araw.

TUMUGON

1. May mga bagay ka bang inaalala o naglalayo sa iyo mula sa Diyos? Sa palagay mo, ano ang dapat mong gawin tungkol dito? Paano ka tutugon nang may pagsisisi sa halip na magrebelde?

2. Balikan ang isang pagkakataong hindi mo naramdaman ang presensya ng Diyos. Ipanalangin na kahit hindi mo ito nararamdaman, maaalala mo ang pananatili ng Kanyang presensya sa iyong buhay. Basahin ang Juan 14:16–17 at pasalamatan ang Diyos dahil kapiling mo Siya magpakailanman at hindi ka Niya kailanman iniwan.

3. May kamag-anak o kaibigan ka ba na sa tingin mo ay kailangang marinig ang kagustuhan ng Diyos na makapiling tayo? Paano mo siya hihikayating tanggapin ang habag at biyaya ng Diyos ngayon? Humingi sa Diyos ng tapang at pagmamalasakit habang ipanapahayag mo ang Kanyang salita.

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/

Mga Kaugnay na Gabay