Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

ARAW 6 NG 8

Si Cristo, ang Pundasyong Bato ng Bagong Templo

BASAHIN

Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.” Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay. JUAN 2:13–22

KARAGDAGANG BABASAHIN: Salmo 118:22–23; 1 Pedro 2:6

PAG-ISIPAN

Ang templo ng Diyos sa Jerusalem ay naging entablado ng maraming eksena sa Bibliya. Iyon ang Linggo ng Pista ng Paglampas ng Anghel, at dumating ang mga Judio mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang magdiwang. Si Jesus, na kakagawa pa lamang ng pinakauna niyang himala sa Cana, at ang Kanyang mga disipulo, ay naroon din.

Sa pagdating Niya, nagulat Siya sa Kanyang nakita: ang korte ng templo ay puno ng mga hayop, mga nagtitinda, at mga mapagsamantala! Dahil dito, itinaob niya ang mga mesa, itinaboy ang mga hayop, at pinaalis ang mga tao gamit ang panghagupit na lubid. Pagkatapos nito, may ginawa pa Siya na mas lalong ikinaiskandalo ang mga Judio. Noong humingi ng paliwanag ang mga Judio, sinabihan nila si Jesus na patunayan ang Kanyang awtoridad. Ikinagulat nila ang sagot Niya: Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli. Ilang taon matapos Niya itong sabihin, ang pahayag na ito ay gagamitin laban sa Kanya bago Siya ipapako sa krus (Mateo 26:57–68).

Ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang Kanyang katawan. Ito ang bagong templo kung saan nananahan ang presensya ng Diyos. Gaya ng kanyang ipinahayag, ang katawan Niyang giniba sa krus ay naitayong muli sa loob ng tatlong araw.

Ang kamatayan ni Jesus ay katuparan ng propesiya sa Salmo 118:22–23. Sa pagtakwil at pagpatay sa Kanya, si Jesus ang naging pundasyong bato ng bagong templo ng Diyos. Sa sinaunang arkitektura, ang pinakamahalagang bahagi ng isang gusali. Ito ang unang batong inilalagay, na nagiging batayan ng posisyon at oryentasyon ng isang gusali. Dahil dito, ang bawat bahagi ng gusali ay itatayo batay sa posisyon ng pundasyong bato. Ang batong ito ang lugar kung saan nakasalalay ang pundasyon ng gusali. Kung tatanggalin ito, magigiba ang buong gusali.

Tulad nito, si Jesus ang pundasyong bato ng ating pananampalataya. Kung wala Siya, lahat ng pinaniniwalaan at inaasahan natin ay magigiba. Ang buong planong pagtubos ng Diyos ay nakasalalay sa Kanya. Mabuti na lamang at may katiyakan tayo kay si Jesus bilang pundasyon ng ating pananampalataya. Ganap ang tagumpay Niya sa krus. Tapos na ang pagligtas sa atin. At alam natin na kahit mahirap at puno ng pagsubok ang ating buhay sa mundo, mahahanap natin ang kahulugan at layunin ng ating buhay sa Kanya. Dahil Siya ang ating pundasyong bato, hindi tayo kailanman mapapahiya (1 Pedro 2:6). Hindi lamang tayo magkakaroon ng panandaliang ginhawa sa mga kalungkutan sa mundo, kundi matatagpuan din natin ang walang-hanggang seguridad at kapayapaan sa Kanya.

Dahil si Cristo ang pundasyong bato, tayo ay naging mga buhay na bato sa bago at perpektong templo na itinatayo ng Diyos, ang lugar kung saan nananahan ang Kanyang presensya magpakailanman.

TUMUGON

1. Nakasalalay ba ang buong buhay mo kay Jesus bilang iyong pundasyong bato? Kung hindi, aling bahagi ng buhay mo ang kailangan mong ipagkatiwala sa Kanya? Manalangin sa Diyos at ipahayag na si Jesus ang nag-iisa mong seguridad, lakas ng loob, at pag-asa sa buhay na ito.

2. Basahin at pagnilayan ang 2 Corinto 4:17. Sa palagay mo, ano ang itinuturo ng Diyos sa iyo ngayon tungkol sa iyong mga paghihirap na panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat?

3. Ipanalangin ang iyong pamilya at mga kaibigan na hindi pa nakikilala si Cristo bilang kanilang pundasyong bato. Hingin sa Diyos ang mga pagkakataon upang makapagministeryo ka sa kanila at makatugon sila sa ebanghelyo.

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/

Mga Kaugnay na Gabay