Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa
Ang Tahanan ng Diyos: Ang Toldang Sambahan
BASAHIN
“Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila." EXODUS 25:8
KARAGDAGANG BABASAHIN: Exodus 19; 25:22; Leviticus 16:1–5
PAG-ISIPAN
Ang kasalanan ng tao sa Hardin ng Eden ay nagbunga ng walang hanggang pagkawalay sa Diyos. Dahil sa pagkakasala, hindi na lubos na mararanasan ng tao ang banal na presensya ng Diyos. Sa kabila ng pagiging makasalanan ng tao at kabanalan ng Diyos, nais ng Diyos na manahan sa piling ng Kanyang mamamayan. Sa Exodus 19, noong nasa ilang o disyerto ang mga Israelita, pinarating ng Diyos sa kanila ang kagustuhan Niya na itakda ang Israel bilang Kanyang piniling mamamayan, isang kaharian ng mga pari, at isang bayang banal sa Kanya. Ngunit dahil sa kabanalan ng Diyos at karumihan ng mga Israelita, hindi madali para sa mga tao ang makalapit sa Diyos. Maging ang mga pari ay dapat magtalaga ng kanilang mga sarili sa Diyos bago sila makalapit sa Kanya at kung hindi, mamamatay sila. Ganito kabanal ang Diyos—ang makasalanang tao ay hindi makakapanahan sa presensya Niya.
Dahil dito, gumawa ang Diyos ng daan upang makapanahan kasama Niya ang Kanyang mamamayan. Inutusan Niya si Moises na magtayo ng isang Toldang Sambahan, isang lugar kung saan titira ang Kanyang banal na presensya sa gitna ng mga makasalanang tao. Nagbigay ang Diyos ng detalyadong tagubilin kung paano ito itatayo. Nagbigay din Siya ng tagubilin kung paano iaalay ang mga inosenteng hayop para sa kanila at magsilbing kabayaran sa kanilang mga kasalanan. Dahil dito, maaari nilang maranasan ang kapatawaran ng Diyos at makapiling Siya. Ginawa ito sa pamamagitan ng isang tagapamagitan, ang punong pari, na papasok sa pinakaloob na bahagi ng Toldang Sambahan, ang Pinakabanal na Lugar, upang mag-alay ng handog para sa kasalanan ng mga mamamayan. Ngunit, dahil sa banal na presensya ng Diyos, dapat pumasok ang punong pari nang may pag-iingat at may dala ring handog para sa kanyang sariling kasalanan, dahil kung hindi, mamamatay siya sa banal na presensya ng Diyos. Ganito kabanal ang Diyos.
Bagama’t ang Toldang Sambahan ay hindi perpektong solusyon upang makatagpo ang Diyos ng Kanyang mamamayan, ito ang isang larawan ng Kanyang biyaya kung saan mararanasan ng Kanyang mamamayan ang Kanyang habag, habang ninanais Niyang manahan kasama nila. Ito ay ganap na tinupad ni Cristo—ang perpektong handog at ang perpektong Punong Pari.
Tulad ng mga Israelita, naging imposible ang pananahan natin kasama ang banal na presensya ng Diyos dahil sa ating kasalanan. Ang tensyon sa pagitan ng kabanalan ng Diyos at pagkamakasalanan ng tao ay nalutas ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Gumawa ang Diyos ng paraan upang maibalik tayo sa tamang ugnayan sa Kanya.
Kahit sa pagiging makasalanan natin, naging posible ang pananahan natin sa banal na presensya ng Diyos dahil sa Kanyang biyaya.
TUMUGON
1. Sa palagay mo, bakit gustong manahan ng Diyos sa piling ng Kanyang mamamayan, sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan at pagsuway sa Kanya? Paano Niya ito nagawa nang hindi nilabag ang Kanyang kabanalan?
2. Nais ng banal nating Diyos na makapiling ka. Paano nito maaapektuhan ang pamumuhay mo? Sa palagay mo, paano dapat magbago ang iyong mga kinagawian at paraan ng pamumuhay?
3. Sumulat ng panalangin bilang tugon sa kabanalan, habag, at biyaya ng Diyos.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/