Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana SantaHalimbawa

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

ARAW 2 NG 8

Ang Planong Pagtubos: Ang Hardin ng Eden

BASAHIN

“Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.” GENESIS 3:15

KARAGDAGANG BABASAHIN: Genesis 1:26–27; 2:2–3, 15

PAG-ISIPAN

Matapos likhain ng Diyos ang kalangitan at ang mundo, nagpahinga Siya sa ika-pitong araw. Ang ibig sabihin ng pagpapahinga ng Diyos ay nanahan Siya sa piling ng Kanyang nilikha. Nagsanib ang langit at lupa. Ang Hardin ng Eden ay isang banal na lugar. Para itong isang banal na templo kung saan magkasamang nananahan ang Diyos at ang Kanyang nilikha. Ang lalaki at babae na parehong nilikha sa wangis o imahe ng Diyos, ay inatasan ng Diyos na pamahalaan ang Kanyang nilikha. Nakibahagi sila sa Diyos sa gawain sa lupa at sa pagtataguyod ng isang lumalago at magandang mundo. Ang sangkatauhan ay ginawa upang mamuhay kapiling ang Diyos, nang walang anumang namamagitan sa kanila.

Subalit nagkasala ang sangkatauhan noong sina Adan at Eva ay hindi nagtiwala sa salita ng Diyos, sumuway sa Kanyang utos, at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.

Sa kabila ng kanilang kasalanan at kahihiyan, tinawag at hinanap sila ng Diyos.

Sa Genesis 3:15, nagdeklara ang Diyos ng sumpa sa ahas. Ito rin ang unang pagpapahayag sa ebanghelyo. May darating na ipinangakong anak na tatalo sa ahas. Ang pangakong ito ay natupad kay Cristo matapos ang ilang libong taon.

Ang orihinal na disenyo at plano ng Diyos ay magkaroon ng malapit na ugnayan sa Kanyang mamamayan.

Bagama’t nasira ito ng kasalanan, may makapangyarihang plano ang Diyos upang maipanumbalik ang sangkatauhan sa Kanya. Ibinigay Niya ang solusyon sa ating problema.

Hindi kailanman nasira ang plano ng Diyos. Sa kabila ng kawalang katiyakan at pagbabago, mayroon tayong katiyakan na matutupad ang Kanyang plano at maaari tayong umasa sa Kanya. Maaari tayong mamuhay kasama Niya gaya ng orihinal Niyang itinakda—walang kasalanan at kahihiyan, puno ng kasiyahan sa ating ugnayan sa Kanya.

TUMUGON

1. Maglaan ng panahon upang pag-isipan ang Hardin ng Eden—ang kagandahan nito, ang kasalanan ng lalaki at babae, at ang planong pagtubos ng Diyos. Sa palagay mo, bakit natin kailangang balikan ang Hardin ng Eden upang maintindihan ang pagmamahal sa atin ng Diyos?

2. Sa aling bahagi ng buhay mo kailangang mas magtiwala sa plano ng Diyos? Sa palagay mo, paano mo ito magagawa? Hingin sa Diyos ang pananampalataya upang magawa mong sumunod sa Kanyang mga kaparaanan.

3. Paano mo magagawang lumago sa iyong ugnayan sa Diyos at masiyahan sa Kanyang presensya araw-araw? Paano mo matutulungan ang iba na gawin din ito?

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Of First Importance: Isang Debosyonal Para Sa Semana Santa

Taun-taon, ginugunita ng buong mundo ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo—ang pinakamahalagang katotohanan. Sama-sama nating gunitain ang pagnanais ng Diyos na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin na binigyang katuparan ng Kanyang Anak na si Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://beta.victory.org.ph/

Mga Kaugnay na Gabay