Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Mga Balabal
BASAHIN
Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala. Mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!” Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”
Lucas 19:28–40
Basahin din ang 2 Hari 9:13; Zacarias 9:9–17.
PAG-ISIPAN
Noong unang panahon, ang balabal ay isang kasuotan na hanggang bukung-bukong ang haba. Para sa mga pinuno at lider ng komunidad, simbolo ito ng katayuan o awtoridad, may mga kulay at disenyo na kumakatawan sa kanilang antas ng kapangyarihan. Para sa karamihan, ang balabal ay nagsisilbing proteksyon at seguridad, tumutulong para manatili silang ligtas laban sa mga panlabas na elemento at lagay ng panahon na maaaring magdulot ng panganib. Dahil karamihan sa mga tao noon ay isa lang ang balabal (hindi tulad ng mga kasuotang panlamig na mayroon tayo ngayon), isa itong mahalagang ari-arian.
Isipin na ipinapatong ng mga disipulo ang mga balabal nila sa batang asno para may maupuan si Jesus. Habang dumadaan si Jesus, mas marami pang tao ang nagtatanggal ng mga balabal nila at inilalatag nila ito sa daan para sa Kanya. Bawat balabal ay lumapat sa lupa, nalagyan ng alikabok at buhangin, at natapakan ng asnong sinasakyan Niya. Ano kaya ang nagtulak sa mga tagasunod ni Jesus para tanggalin ang kanilang mga balabal at ilagay ito sa daan?
Makikita natin sa ika-37 at 38 na talata na ang mga tao ay nagsasaya at nagpupuri sa Diyos, ihinahayag na si Jesus ang ipinangakong Hari at inaabangang Mesias. Inilatag nila ang kanilang mga balabal para sa Hari ng mga hari. Anuman ang kanilang estado o posisyon sa buhay, kinilala nila na mas mataas ang awtoridad ni Jesus kaysa sa lahat ng mga pinuno ng mundo. Kinilala rin nila na ang Haring ito ang tanging makakapagbigay sa kanila ng tunay na proteksyon at seguridad.
Ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ay hindi ayon sa inaasahan ng mga tao. Dumating Siya na nakasakay sa isang asno at hindi sa isang kabayong pandigma. Mapagpakumbaba Siyang pumasok sa bayan at tinupad ang propesiya sa Zacarias 9:9. Hindi ito ang marangya at makapangyarihang hari na inaasahan nila. Sa halip, dumating si Jesus bilang isang tagapagsilbing Hari—mahinahon at mapagpakumbaba, handang tuparin ang Kanyang misyon—hindi para manakop gamit ang lakas, kundi para magligtas sa pamamagitan ng pagsuko. Inaasahan ng mga tao ang isang hari na tutugon sa kanilang mga pangangailangan, pero si Jesus ay dumating upang ipakita sa kanila ang kanilang pinakamahalagang pangangailangan—isang Tagapagligtas na nagpapakumbaba upang maglingkod, magpagaling, at gawing buo ang kanilang buhay.
Ngayong araw, kilalanin natin si Jesus bilang Panginoon ng ating buhay—ang tagapagsilbing Hari na dumating upang tugunan ang ating pinakamalalim na pangangailangan. Habang kinikilala natin ang Kanyang paghahari, magpakumbaba tayo at ibigay ang ating mga balabal sa Kanya.
I Surrender All
Ni Judson Van DeVenter
(Isinalin sa Filipino)
Ang lahat kay Jesus ko isinusuko
Ang lahat sa Kanya’y maluwag kong ibinibigay
Mamahalin Siya at mananalig sa Kanya
At sa Kanyang presensiya’y araw-araw na mamumuhay
TUMUGON
- Ang balabal ay simbolo ng katayuan, proteksyon, at seguridad. Saan mo kinukuha ang mga ito? Paano mo magagawang bitawan at isuko ang iyong balabal kay Jesus ngayon?
- Maglaan ng oras upang mag-isip at hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo ang anumang mga inaasahan mo sa Kanya (halimbawa, bilang Hari, tagapagtanggol, tagapagbigay, tagapagpagaling). Hilingin sa Diyos na buksan ang iyong mga mata para makilala mo Siya at makita ang mga ginawa Niya, at nang umayon ang buhay mo sa kagustuhan Niya.
PANALANGIN
Panginoong Jesus, Kayo po ang Hari na nagpakumbaba at dumating para iligtas kami. Buksan Mo po ang aming mga mata upang makilala Ka namin bilang aming Hari, at mailatag namin ang aming mga balabal sa Iyong paanan. Ipagkaloob Mo po sa amin ang kakayanan na isuko ang aming mga inaasahan at purihin Ka. Turuan Mo po kami na sundan ang Iyong halimbawa bilang tagapagsilbing Hari sa pamamagitan ng pagtulong sa amin na lumago sa pagpapakumbaba, sakripisyo, at pagmamahal. Amen.
AWIT
(Hymn)
Victory Worship
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are