Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Tandang
BASAHIN
Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Lucas 22:54–62
Basahin din ang Mateo 26:69–75; Lucas 22:31–34; Juan 21:15–19.
PAG-ISIPAN
Si apostol Pedro ang disipulo ni Jesus na kadalasang itinuturing na pinakapabigla-bigla pero puno ng tapang at alab ng damdamin. Habang naglalakbay si Pedro kasama ni Jesus, makikita natin na gustong-gusto niyang makibahagi at sumama kay Jesus sa lahat ng bagay—mula sa paglakad sa tubig hanggang sa paghiling niya na hugasan ni Jesus ang buo niyang katawan noong hinugasan ni Jesus ang mga paa ng mga disipulo. Matapang niyang ipinahayag na susunod siya kay Jesus hanggang sa kamatayan, at pinutol pa niya ang tainga ng isang kawal para protektahan si Jesus.
Sa Huling Hapunan, binigyan siya ni Jesus ng babala tungkol sa paparating niyang pagtanggi. Ngunit buo ang tiwala at katiyakan ni Pedro sa sarili, na hindi siya mabibigo o hindi niya itatanggi si Jesus. Buong tapang niyang inihayag na susundan niya si Jesus hanggang kamatayan. Pero hindi lamang isa kundi tatlong beses niyang itinanggi si Jesus. Patuloy niyang sinabi na—sa huli ay isinumpa pa niya ang kanyang sarili—“hindi ko siya kilala.”
Pagkatapos ay tumilaok ang manok. Natupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Siguradong bumagsak ang puso ni Pedro. Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro, at si Pedro ay humagulgol.
Sa mga nakapintang larawan, madalas na si Pedro ay makikitang may kasamang tandang. Gaano kaya kasakit kung alam ni Pedro na palagi siyang ikokonekta sa tandang, ang simbolo ng kanyang pagkakamali? Kung iisipin, siguro ay hindi iyon ang huling pagkakataon na nakakita si Pedro ng tandang. Baka nga araw-araw pa siyang nakakita ng manok pagkatapos noon. Sa bawat pagtilaok, maaaring paulit-ulit siyang binubulabog ng huli nilang pag-uusap ni Jesus bago Siya namatay. Kung ikaw si Pedro, ano kaya ang mararamdaman mo kapag nakita mo ang isang bagay na magpapaalala sa iyo ng iyong mga pagkakamali, kabiguan, at kasalanan?
Buti na lang at ang manok ay hindi lamang simbolo ng pagtanggi ni Pedro; maaari rin na isa itong pagkagising mula sa kanyang kahinaan at paalala ng pangako na ibabalik siya ni Jesus sa Kanya: “Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32). Alam ni Jesus na si Pedro ay hindi mananatiling bigo at hindi Siya itatanggi habambuhay. Nanindigan si Jesus para kay Pedro at ipinagdasal Niya ito, dahil alam Niyang gagamitin ng Diyos si Pedro para magtatag at magpalakas ng Kanyang Iglesiya.
Matapos ang Kanyang muling-pagkabuhay, ibinalik ni Jesus si Pedro, hindi lamang isang beses kundi tatlong beses sa pamamagitan ng pagtanong kung, “Mahal mo ba talaga ako?” Siguro, isa para sa bawat pagtangging ginawa niya. Si Pedro, na sobrang nalungkot ay sumagot, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” (Juan 21:17). At muling inanyayahan ni Jesus si Pedro na sumunod sa Kanya. Ngayon, binigyan Niya si Pedro ng isang bagong misyon—hindi lang manghuli ng tao kundi alagaan ang Kanyang kawan.
Sa pamamagitan ng ginawa Niya sa krus, inalis ni Jesus ang ating mga kasalanan at kahihiyan. Gaya ng ginawa Niya kay Pedro, patuloy Siyang kumikilos sa buhay natin, anuman ang ating mga nagawang pagkakamali. Ano ang iyong tandang—isang marka ng iyong kabiguan at kahinaan, ngunit paalala na rin ng patuloy na ginagawang pagbabago ng Diyos sa iyong buhay?
There is No One Like the Savior
Ni Johnson Oatman
(Isinalin sa Filipino)
Walang Sinuman ang Tulad ng Tagapagligtas
Sino ang makapag-aalis ng kasalanan ng isang makasalanan?
Walang sinuman ang tulad ng Tagapagligtas, hallelujah!
Sino ang makapagdadala ng liwanag sa kanyang kadiliman?
Walang sinuman ang tulad ng Tagapagligtas, hallelujah!
TUMUGON
- Mayroon bang kasalanan, pagkakamali, o kabiguan na sinasabi sa iyo ng Diyos na ialay mo sa paanan ng krus? Lumapit ka kay Jesus ngayon upang tanggapin ang Kanyang kapatawaran at hilingin na ibalik ka sa tamang ugnayan sa Kanya. Hilingin sa Kanya na matulungan kang hindi na mamuhay sa nakaraan, kundi mamuhay ayon sa liwanag ng krus.
- Ang pananampalataya natin ay patuloy na susubukin. Hilingin sa Banal na Espiritu na tulungan kang manindigan at bigyan ka ng lakas upang malampasan ang mga hamon sa buhay. Idalangin na ang buhay mo ay maging isang patotoo na nagbibigay karangalan sa Diyos sa lahat ng bagay, malaki man o maliit.
- May kilala ka ba na nangangailangan ng kapatawaran at pagpapanumbalik ng Diyos kay Cristo? Paano mo maibabahagi ang mga katotohanang ito at maaakay ang taong ito na lumapit kay Jesus?
PANALANGIN
Panginoong Jesus, salamat po at hindi Mo binibilang ang aming mga kasalanan laban sa amin, kundi inaalok kami ng ganap na kapatawaran at bagong buhay sa Iyo. Ipinagdarasal po namin na kahit nagkakamali kami, ipaalala Mo po sa amin kung paano Mo kami ibinabalik sa pamamagitan ng kapangyarihan ng krus. Tulungan Mo po kami na maging matatag sa aming pananampalataya at sa aming desisyon na sumunod sa Iyo at ipahayag Ka sa iba. Kami po ay umaasa na palalakasin kami ng Banal na Espiritu at bibigyan ng kapangyarihang mamuhay sa mundong ito nang banal at nakatalaga para sa Iyo. Nawa’y hindi kami magsawa o mapagod sa pamumuhay para sa Iyo. Amen.
AWIT
(Hymn)
AWAKE84
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are