Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Kurtina
BASAHIN
Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Dios at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.”
Lucas 23:44–47
Basahin din ang Exodus 26:31–33; Mateo 27:51–54; Marcos 15:22–38; Juan 19:17–30; Hebreo 4:16; 10:19–22.
PAG-ISIPAN
Ang toldang sambahan noong panahon ni Moises at ang templo noong panahon ni Solomon ay sumisimbolo sa kagustuhan ng Diyos na manirahan at makipag-ugnayan sa Kanyang mamamayan. Ginawa ang mga gamit dito para ipaalala ang tungkol sa hardin ng Eden, kung saan naranasan ng tao ang tamang ugnayan sa Diyos. Ang pagkakaiba ng mga tao na maaaring pumasok sa toldang sambahan at sa templo ay malinaw na pagpapakita ng kabanalan ng Diyos at kasalanan ng tao. May isang kurtina na naghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar (Exodus 26:31–33). Ang kurtina ay pinaburdahan ng mga kerubin, na kumakatawan sa mga kerubin na inilagay upang bantayan ang daan papasok sa hardin ng Eden matapos makapasok ang kasalanan sa mundo. Ipinapakita nito na ang pagpasok sa presensya ng Diyos ay ipinagbabawal at may mga limitasyon. Ang Diyos ay banal at dalisay; ang tao ay hindi. Kaya’t hindi basta-basta makakapasok ang tao sa presensya ng Diyos.
Isang beses sa isang taon, tanging ang punong pari lamang ang pinapayagang pumasok sa Pinakabanal na Lugar at mag-alay ng mga handog para sa pagtubos ng kasalanan ng mga tao. Kailangang walang kapintasan ang punong pari sa harap ng Diyos. Kung siya ay nagkulang, maaari siyang mamatay at hihilahin na lamang siya palabas gamit ang lubid na nakakabit sa kanyang paa. Para sa mga hindi Hebreo tulad natin, wala tayong kakayahang makapasok sa toldang sambahan. Kaya kung tayo lang, mananatili tayo sa kasalanan at hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili.
Ngunit mahal ng Diyos ang Kanyang nilikha at ayaw Niyang mahiwalay tayo sa Kanya magpakailanman. Hindi kung sino na lang ang ipinadala ng Diyos para gawin ang imposible. Ipinadala Niya si Jesus, ang perpektong Punong Pari, na nag-alay ng handog para sa Diyos. At ang handog na iyon ay ang Kanyang sarili—ang perpektong Tupa ng Diyos.
Ang pagkapunit ng kurtina sa templo nang si Jesus ay ipinako sa krus ay nagpapatunay ng pag-ibig at hangarin ng Diyos na makasama ang Kanyang nilikha. Sumisimbolo ito ng pag-aalis ng hadlang sa pagitan ng Diyos at sangkatauhan, at ginawa nitong abot-kamay para sa mga mananampalataya ang Kanyang presensya. Ang pagkapunit ng kurtina sa templo ay isa sa mga bihirang pangyayaring itinala sa lahat ng Ebanghelyo. Dalawa sa mga Ebanghelyo ang nagsabi na ang kurtina ay napunit mula taas hanggang baba. Kung itinuring ito bilang isang mahalagang pangyayari ng apat na manunulat ng Ebanghelyo, dapat nating pagtuunan ito ng pansin at unawain ang mas malalim na kahulugan nito. Ipinapakita sa atin ng punit na kurtina na ang ating kaligtasan ay nasa pangunguna at plano ng Diyos. Dahil sa tinapos Niyang gawain, nagkaroon tayo ng daan para makapasok sa Kanyang trono ng biyaya.
Nang binanggit ni Jesus ang mga salitang, “Tapos na,” inihayag Niya na natupad na ang pangako at natapos na ang pinakamalupit na sakripisyo. Dahil si Jesus ang pinakamahalagang handog at ang Tupa ng Diyos na isinakripisyo, hindi na natin kailangang mag-alay ng iba pang sakripisyo para bayaran ang ating mga kasalanan. Ang ginawa ni Jesus ay nagbigay sa atin ng ganap na daan papalapit sa Diyos. Ang ibig sabihin ng punit na kurtina ay may daan na ang mga mananampalataya ngayon para makalapit sa Diyos sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesus (Hebreo 4:16; 10:19–22). Dahil si Jesus ang ating perpektong Punong Pari at ang perpektong handog para sa ating mga kasalanan, anumang oras ay makakalapit na tayo sa Diyos nang buo ang loob sa panalangin. Siya ang gumawa ng daan para sa atin, at ngayon ay malaya na tayong makakalapit sa Diyos at maaari na tayong makipag-ugnayan sa Kanya araw-araw.
I’ve Found a Way
ni Paul Rader
(Isinalin sa Filipino)
Madalas, ang puso ko’y nagnanais manalangin
Makasalanan, kaya’t ano ang aking sasabihin?
May paraan ng paglilinis ng dugo, ‘yan ang sabi sa akin
Na binuksan ni Jesus, ang aking Panginoon.
Nakita ko ang daan sa pamamagitan ng dugo, lampas sa kurtina
Patungo sa Pinakabanal na Lugar kasama ang Diyos
Doon, sa Kanyang kapangyarihan laban sa kasalanan, ako’y nagtatagumpay
Makakalakad ako sa landas na Kanyang tinahak
Ang mga araw ng pagkaligaw ay tapos na
Wala na ang mga araw ng pag-aalinlangan
Ngayon, isang bagong landas ng panalangin ang nagsimula
Na tanging si Jesus lamang ang nagbigay-daan
TUMUGON
- Ano ang mga hadlang na inalis ng Diyos sa buhay mo nang ipakita Niya ang Kanyang sarili sa iyo? May mga bagay pa rin ba na humahadlang sa paglalakbay mo nang kasama Siya? Ipanalangin na ipakita ito sa iyo ng Diyos at alamin kung ano ang kailangan mong gawin upang makalapit sa Kanya nang walang hadlang.
- Si Jesus ang perpektong Punong Pari at ang perpektong handog para sa ating mga kasalanan. Ano ang tugon mo rito, at paano ito makakaapekto sa buhay at mga ugnayan mo?
- Ang paglapit sa Diyos ay isang aktibong pagpili na hindi kusang nangyayari. Magpasya kang lumapit sa Diyos ngayon. Sa panalangin, lumapit ka sa trono ng biyaya nang buo ang loob, at tanggapin ang Kanyang habag at tulong para iyong mga pangangailangan. Dumarating ang tulong Niya sa tamang panahon at abot-kamay mo ito.
PANALANGIN
Mahal na Diyos, salamat po sa pagbibigay sa amin ng daan sa pamamagitan ni Jesus para diretso kaming makalapit sa Iyo. Nagpapasalamat kami sa Kanyang sakripisyo at sa pagkakaroon namin ng ugnayan sa Iyo ngayon. Amen.
AWIT
Victory Worship
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are