Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Tinapay at Kopa
BASAHIN
Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.” Pagkatapos, kumuha siya ng inumin, nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios” Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.”
Lucas 22:14–20
Basahin din ang Exodus 12:1–14.
PAG-ISIPAN
Ang hapunan sa tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel ay isang pag-alala sa pagkaligtas ng Israel mula sa pagka-alipin sa Egipto. Isa itong taunang tradisyon kung saan ikinukuwento nila kung paano iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa kamatayan. Ang dugo ng tupa na ipinahid sa mga haligi ng pinto ay nagsilbing tanda na “lalagpasan” ng hatol na kamatayan ang mga tahanang may ganitong marka (Exodus 12:1–14). Ang tinapay na walang pampaalsa ay nagpapaalala sa kanila ng madaliang pag-alis sa Egipto at ang mapapait na gulay ay sumisimbolo sa mga pagdurusang naranasan nila sa pagka-alipin. Ang hapunang ito ay isang pagdiriwang ng katapatan at proteksyon ng Diyos at pangakong ililigtas Niya ang Kanyang mga mamamayan. Hanggang ngayon, maraming pamilya pa rin sa buong mundo ang nagpapatuloy sa ganitong kaugalian.
Noong gabi bago ang pagkapako ni Jesus sa krus, nagtipon-tipon Siya at ang Kanyang mga disipulo upang ipagdiwang ang hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Habang sila'y nagsasalo sa tinapay at inumin, binigyan Niya ito ng bagong kahulugan. Kinuha Niya ang tinapay, hinati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Pagkatapos, kinuha Niya ang inumin at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.” Higit pa ito sa isang hapunan—ito ay katuparan ng isang pangako, isang sandali na babago sa kahulugan ng pag-alala.
Habang hinahati ni Jesus ang tinapay at ibinubuhos ang inumin, ipinapakita Niya ang tunay na kahulugan ng Pista ng Paglampas ng Anghel na malapit nang matupad sa Kanya. Ang korderong isinakripisyo para sa Pista ng Paglampas ng Anghel ay tumutukoy sa Tupa ng Diyos na mag-aalis ng mga kasalanan ng mundo (Juan 1:29). Si Jesus ang Tupa ng Diyos, ang katuparan ng kasunduang ibinigay Niya sa Kanyang mamamayan. Ang katawan ni Jesus ay hahati-hatiin para sa atin at ang Kanyang dugo ay ibubuhos para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo, nagkaroon ng isang bagong kasunduan—hindi lamang para sa bayan ng Israel, kundi para sa lahat ng maniniwala sa Kanya.
Tulad ng mga Israelita na nailigtas mula sa kamatayan dahil sa dugo ng tupa, tayo rin ay nailigtas mula sa walang-hanggang pagkakalayo sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Ang Kanyang sakripisyo ang nagbibigay ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ipinapaalala sa atin ng tinapay at inumin ang halaga ng kaligtasang iyon—ang pinira-pirasong katawan at ang ibinuhos na dugo ng ating Tagapagligtas. Ito ang bagong kasunduan: ang walang-hanggang pangako ng Diyos na biyaya, kapatawaran, at kaligtasan.
Sa kapayapaan, isusuko ko ang aking hininga,
Nang masilayan ang Iyong kaligtasan;
Nararapat sa aking mga kasalanan ang walang-hanggang kamatayan,
Ngunit si Jesus ay namatay para sa akin.
Tula ni Dr. Richard Valpy
(Isinalin sa Filipino)
TUMUGON
- Balikan kung paano ka nailigtas at paano mo naranasan ang pagtubos ni Cristo. Paano kumilos ang Diyos sa buhay mo at paano mo Siya nakilala? Pasalamatan ang Diyos sa pagligtas sa iyo ni Cristo.
- Isang paraan para maalala kung ano ang ginawa ni Jesus para sa atin ay ang pagdiriwang ng Kanyang kabutihan sa iba. Ngayon o sa mga susunod na araw, maglaan ng oras para makasama ang iyong pamilya o mga kaibigan sa isang salu-salo. Habang magkakasama, ibahagi ang kwento ng iyong kaligtasan at sabihin sa kanila kung ano ang ginawa ni Cristo para sa iyo.
PANALANGIN
Panginoong Jesus, salamat po sa Iyong katawan na pinira-piraso at sa Iyong dugo na ibinuhos para sa amin. Salamat po sa pagtupad sa pangakong kaligtasan at sa pagtatatag ng isang bagong kasunduan. Tulungan Mo po kami na maalala ang Iyong sakripisyo ngayong Mahal na Araw at mamuhay sa kalayaan na ipinagkaloob Mo sa amin. Huwag po sana naming ipagwalang-bahala ang napakalaking kabayaran para matubos kami, at sana’y maibahagi namin ang Iyong pag-ibig at pag-asa sa buong mundo. Amen.
AWIT
Victory Worship
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are