Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Koronang Tinik
BASAHIN
Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.
Mateo 27:27–31
Basahin din ang Marcos 15:16–20; Juan 19:2–3; 1 Pedro 2:23–24.
PAG-ISIPAN
Ang korona ay sumasagisag sa awtoridad, kapangyarihan, at dangal ng isang hari. Pero kapag tiningnan natin ang krus, hindi natin makikita ang uri ng hari na karapat-dapat sa ganoong klase ng korona. Sa halip, makikita natin ang kabaligtaran—isang korona ng mga tinik na ipinatong sa Hari ng mga hari, isang uri ng pangungutya sa pagiging hari Niya.
Ang mga tinik ay simbolo ng sumpa ng kasalanan (Genesis 3:18). Sinasalamin ng koronang tinik ang sumpang iyon, dahil pinasan ni Jesus ang bigat ng kasalanan para tubusin ang mundo. Ang korona na ito ay ginawa ng mga kawal para lang isuot ni Jesus.
Pinalibutan si Jesus ng mga kawal na nagtanggal ng Kanyang balabal at nagsuot sa Kanya ng isang damit na kulay ube. Nilapastangan, hinampas, at ipinahiya nila Siya nang labis, ngunit hindi Siya gumanti. Sa halip, tiniis ni Jesus ang lahat ng ito dahil sa kagalakang naghihintay sa Kanya (Hebreo 12:2). Hindi Niya ibinigay ang kaparusahang nararapat sa mga kawal, at hindi rin Siya nagreklamo. Tahimik Niyang tinanggap ang mga paratang dahil alam Niya na ito lang ang paraan upang maibalik sa Kanya ang Kanyang nilikha. Ibinilin ni Jesus ang Kanyang sarili sa Diyos na humahatol nang makatarungan (1 Pedro 2:23–24). Si Jesus ang Diyos ng mga diyos at ang Hari ng mga hari, ganap na may kakayahang parusahan ang mga kawal, ngunit mas pinili Niyang hindi ito gawin. Sa halip, pinayagan Niya silang tuparin ang mga nakasulat sa Kasulatan. Bukas-loob Niyang tiniis ang lahat ng ito upang ganap na mabayaran ang ating mga kasalanan. Ipinapakita nito ang napakalalim na pagpapakumbaba ni Cristo. Siya na tanging may ganap na kapangyarihan sa langit at sa lupa ay nagpahintulot na ipahiya Siya para sa ating kapakanan.
Noong unang dumating si Jesus bilang tao, dumating Siya nang may pagpapakumbaba, tiniis ang koronang tinik. Sa aklat ng Pahayag, sinasabi ng Kasulatan na muling darating si Jesus—at sa pagkakataong ito, makikita ang Kanyang ganap na kapangyarihan at kaluwalhatian. Sinabihan tayo na magsusuot Siya ng maraming korona (Pahayag 19:12) at karapat-dapat Siyang tumanggap ng lahat ng mga koronang ilalagay sa Kanyang paanan (Pahayag 4:4, 10). Paalala ito sa atin na ang koronang tinik ang pinakamababa sa lahat ng mga korona na Kanyang naisuot. Ang koronang tinik ay kumakatawan sa pagpapakumbaba at kahihiyan ni Jesus, at sa pamamagitan nito, tayo ay nailigtas mula sa ating mga kasalanan, nakahanap ng pagtanggap sa Kanya, at makakasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Isinuot Niya ang koronang tinik upang tayo, kapag nagtiwala tayo sa Kanya, ay makakapagsuot ng korona ng katuwiran (2 Timoteo 4:8). Ang nagdala ng koronang tinik ay nakaupo na ngayon sa trono, namumuno at naghahari magpakailanman.
Crown of Thorns
Ni Ira Stanphill
(Isinalin sa Filipino)
Walang korona para sa Kanya na yari sa pilak o ginto
Walang tiara para Kanyang hawakan
Ngunit dugo ang palamuti sa Kanyang noo at buong tapang na ipinakita ang mantsa
Ang mga makasalanan ang nagbigay sa Kanya ng isinuot na korona
Isang baku-bakong krus ang Kanyang naging trono
Nasa mga puso lamang ang Kanyang kaharian
Isinulat Niya ang Kanyang pag-ibig gamit ang kulay pula
At isinuot sa Kanyang ulo ang puro tinik na korona
Hindi Siya naghari sa trono ng garing
Kundi namatay sa krus ng Kalbaryo
Para sa mga makasalanan, itinuring Niyang walang halaga ang lahat ng Kanyang pag-aari
At sa ilalim ng krus, pinagmasdan ang Kanyang kaharian
TUMUGON
- Pag-isipan ang tungkol sa mga korona ni Cristo. Paano mo tinitingnan at tutugunan ang Kanyang pagiging Hari? Nasa ilalim ka na ba ng awtoridad ni Jesus bilang Panginoon at Hari ng iyong buhay? Paano ka magiging halimbawa ng pagsamba at pagpapasakop sa Kanya at sa kung sino Siya?
- Pasalamatan natin ang Diyos kung paano dumating si Cristo sa mundo, nagpakumbaba, at naging masunurin hanggang sa kamatayan sa krus para gawin tayong matuwid sa Kanya.
- Ipanalangin natin na tulad ni Jesus, matututunan nating tanggapin ang Kanyang pagpapakumbaba, kahit pa humarap tayo sa kahihiyan (Filipos 2:3–11; 1 Pedro 2:23–24).
PANALANGIN
Mahal na Panginoon, salamat po sa pagpapakumbaba Mo, sa pagsusuot ng koronang tinik, at sa pagdurusa para sa aming kapakanan. Tulungan Mo po kaming maunawaan ang lalim ng Iyong sakripisyo sa krus, upang matutunan naming mamuhay nang may pasasalamat, at may tiwala sa Iyong pag-ibig at biyaya. Amen.
AWIT
Victory Worship
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are