Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Ang Libingang Walang Laman
BASAHIN
Madaling-araw ng Linggo, pumunta ang mga babae sa libingan dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila sa libingan, nakita nilang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Kaya pumasok sila sa loob, pero hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. Habang naguguluhan sila sa pangyayari, bigla silang nakakita ng dalawang lalaking nakakasilaw ang damit, at nakatayo sa tabi nila. At dahil sa takot, napayuko sila sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay dito sa mga patay? Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Hindi ba sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa masasamang tao at ipako sa krus, pero mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw?” At naalala ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus. Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa 11 apostol at sa iba pa nilang kasamahan. Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila, pero hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae. Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang telang linen na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.
Lucas 24:1–12
Basahin din ang Mateo 28:1–10; Marcos 16:1–8; Juan 20:1–10.
PAG-ISIPAN
Ang libingan na walang laman ay isang pangunahing paniniwala ng bawat Kristiyano. Sinisimbulo nito ang katuparan ng isang pangako pati na rin ang pag-asa at tagumpay. Sa kwento ng muling pagkabuhay mula sa Ebanghelyo ayon kay Lucas, ipinakita na sina Maria Magdalena, Juana, at Maria, ina ni Santiago, ang nakakita sa libingang walang laman. Pagkatapos nilang marinig ang magandang balita, tumakbo sila upang sabihin ito sa ibang mga disipulo. Ang mabilis nilang pagtugon sa muling pagkabuhay ay pagpapakita ng kanilang pagsunod sa utos na ipakalat ang balita (Mateo 28:7). Ngunit ang mga reaksyon na natanggap nila—pagkalito, pagdududa, at takot—ay tulad ng kung paano tayo minsan tumugon sa mga ginagawa ng Diyos kapag hindi ito ayon sa inaasahan natin.
Pananampalataya sa Diyos ang tumatalo sa pagdududa. Bagama’t sa umpisa ay itinuring ng mga disipulo na hindi mapagkakatiwalaan ang ulat ng mga babae, pinili ni Pedro na pumunta at tingnan mismo ang libingan na walang laman. Kadalasan, ang pananampalataya ay nagsisimula sa isang hakbang patungo sa personal na pagkakilala sa Diyos, kahit na sa kalagitnaan ng pagdududa. Saan mo ibinibigay ang iyong buong pag-asa? Ngayong araw, nawa’y tumugon ka sa magandang balita ng libingang walang laman at ganap mong ibigay ang iyong pananampalataya kay Cristo.
Ipinapaalala sa atin ng muling pagkabuhay na ang kapangyarihan ng Diyos ay mas malaki kaysa sa ating mga takot at kabiguan. Maaari tayong magtiwala sa Kanya kahit na parang walang pag-asa ang ating mga kalagayan. Gaya ng pagpapatotoo ng libingang walang laman sa tagumpay ni Cristo, ang buhay natin ay dapat na magpatotoo sa pag-asa at pagbabago na matatagpuan sa Kanya.
Ang totoo niyan, ang muling pagkabuhay ay hindi inaasahan; ito ay katuparan ng pangako ni Jesus. Ang libingan na walang laman ay nagsisilbing tanda na ang kamatayan, ang ating pinakamalupit na wakas, ay ganap nang tinalo at ang buhay na walang hanggan ay abot-kamay na para sa lahat ng nananampalataya. Nang maglaon, naunawaan din ito ng mga disipulo, at ang katotohanang ito ang nagbago sa paraan ng kanilang pamumuhay at nagbigay sa kanila ng tapang upang ipangaral ang ebanghelyo hanggang sa katapusan ng kanilang buhay.
Tapat at maaasahan ang mga pangako ng Diyos. Ipinaalala ng mga anghel sa libingan sa mga babae na, “Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo.” Sa Mateo 28:11, ang mga Romanong guwardiya ay saksi din sa parehong pangyayari at pinagsabihan sila na ibahin ang kuwento. Ngunit walang kasinungalingang makakapigil sa mga bagay na paulit-ulit na sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay—sa pamamagitan ng mga direktang pahayag, talinghaga, at mga talata sa Kasulatan. Sa huli, tinupad Niya ang lahat ng Kanyang sinabi. Bagamat marami ang tumutol sa mensaheng ito, nanatili ang katotohanan: Siya ay muling nabuhay.
Pati ang mga disipulo ni Jesus ay nahirapang unawain o paniwalaan ito. Gaya natin, hindi nila lubos na naintindihan o napagtanto ang mga plano ng Diyos para sa kanilang buhay. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Tinawag tayo upang magtiwala sa Kanya at maging mga saksi Niya. Gaya ng ginawa ng mga babae, tinatawag tayo ng libingang walang laman na ipalaganap ang pag-asa ni Cristo sa mga nangangailangan sa Kanya. Kapag nakatagpo natin ang Diyos at nanampalataya tayo sa Kanya, nagiging daan ito para ang buhay natin ay magsilbing patotoo kay Jesus—kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa atin.
Hindi nagtatapos sa libingang walang laman ang kuwento; ipinapakita nito ang buhay na walang hanggan na mayroon tayo kay Cristo.
Christ Arose
Ni Robert Lowry
(Isinalin sa Filipino)
Mula sa libingan, Siya ay bumangon
May dakilang tagumpay laban sa Kanyang mga kaaway
Siya’y bumangon bilang Nagwagi mula sa madilim na kaharian
Kasama ang mga banal upang maghari, Siya ay nabubuhay magpakailanman,
Siya’y bumangon! Siya’y bumangon!
Hallelujah! Si Cristo’y muling nabuhay!
Ang pagbabantay nila sa libingan ay walang kabuluhan
Si Jesus, ang aking Tagapagligtas
Walang kabuluhan ang pagtatago nila sa namatay
Si Jesus, ang aking Panginoon
Hindi kayang pigilan ng kamatayan ang kanyang Biktima
Si Jesus, ang aking Tagapagligtas
Pinunit Niya ang mga rehas
Si Jesus, ang aking Panginoon!
TUMUGON
- Ang libingang walang laman ay isang malakas na paalala ng tagumpay ni Jesus laban sa kasalanan at kamatayan. Anong bahagi ng buhay mo ang kailangan mong pagtagumpayan? Paano tayo nabibigyan ng muling pagkabuhay ni Jesus ng pag-asa sa ating mga kinalalagyan ngayon at maging pagkatapos ng kamatayan?
- Ang mga disipulo ay nalito at natakot sa umpisa. Paano pinapalalim ng libingang walang laman ang iyong pananampalataya kapag nahaharap ka sa pagdududa o kawalan ng katiyakan? Sumulat ng isang maikling panalangin o liham kay Jesus, nagbibigay papuri sa Kanyang sakripisyo at tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Pag-isipan kung paano naaapektuhan ang buhay mo ng Kanyang muling pagkabuhay at kung ano ang kahulugan nito para sa iyong kinabukasan.
- May mga kakilala ka ba na kailangang marinig ang pag-asa na hatid ng libingang walang laman? Paano mo maibabahagi ang mensahe ng muling pagkabuhay ni Cristo sa kanila ngayong linggo?
PANALANGIN
Ama sa langit, salamat po sa makapangyarihang paalala ng libingang walang laman, isang malinaw na tagumpay laban sa kamatayan at kasalanan. Nagpapakumbaba po ako at nagsisisi sa anumang kawalan ng paniniwala o pag-aalinlangan. Tulungan Mo po akong lumago sa aking pananampalataya kasama ang komunidad na ipinagkaloob Mo. Nawa’y maparangalan Ka namin sa pagtupad Mo ng Iyong pangako sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesus, na nagbibigay sa amin ng ganap na buhay at walang-hanggang pag-asa. Palakasin Mo po ang aming pananampalataya at pagtitiwala sa mga sandaling puno ng takot at pagdududa, at tulungan Mo po kaming isabuhay at ipahayag ang magandang balita ng tagumpay ni Cristo. Nawa’y magsilbing salamin ng Iyong kaluwalhatian at kabutihan ang aming mga buhay sa mga taong inilagay Mo sa paligid namin. Amen.
AWIT
AWAKE84
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are